Quezon City, tinapos na ang kontrata sa eZConsult ng Zuellig Pharma Corporation

Quezon City, tinapos na ang kontrata sa eZConsult ng Zuellig Pharma Corporation

NAPAGDESISYUNAN na ng Quezon City government na tuluyan ng itigil ang kanilang kasunduan sa Zuellig Pharma Corporation ang kumpanya sa likod ng online vaccination booking service ng lungsod – ang eZConsult.

Sa isang pahayag sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na binigyan nila ng sapat na panahon ang Zuellig para mapabuti ang kanilang system ngunit nag-crash na naman ito at ito na ang pangsiyam na beses na nangyayari.

“We have already given Zuellig ample time to improve their system upon their request and yet their system has crashed again for the ninth time. We don’t want to cause undue stress to our constituents who only want to register for vaccination,” pahayag ni Mayor Belmonte.

Kamakailan lang ay nag-isyu ng ultimatum ang lungsod sa Zuellig.

Ayon kay Belmonte iniulat ng kompanya na na-upgrade na nito ang kanilang system at kaya na nitong tumanggap ng 50,000 users ng sabay-sabay, ngunit ng magbukas muli ng panibagong slots ang lokal na pamahalaan ay nag-crash ito muli.

Kahapon ng hapon na ang huling paggamit sa eZConsult.

Saad ni Belmonte maghahain ng civil at criminal charges ang lungsod laban sa Zuellig.

“We are filing appropriate charges against them through our Legal Department. We are doing this for the interest of our QCitizens and to protect their right,” ani Belmonte.

Ayon kay City Attorney Orlando Casimiro, nalabag ng naturang kompanya ang contractual obligations nito sa lungsod matapos bigo itong mapabuti ang kanilang serbisyo.

“The Information Technology portion of the Service Agreement with the city government will be terminated and damages will be claimed against Zuellig because of the delays, inconvenience, and frustration that our QCitizens have experience,” ayon kay Casimiro.

Sa ngayon hinihikayat ang mga residente na mag-register muna sa QC Vax Easy portal, isang government-assisted system.

Ang mga nakapag-book naman ng vaccination slots para sa Hulyo 1,2,3,5 at 6 ay maaaring tumuloy sa kanilang schedule.

Saad ng lungsod lahat ng on-going booking ay valid hanggang sa masapinal na ang termination ng kontrata sa eZConsult.

SMNI NEWS