Quezon Congressman Tan kinasuhan ni Paras ng libel; P6M na danyos hingi ng opisyal

KINASUHAN ng kasong libelo kahapon ni Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Undersecretary Jacinto Paras si Quezon Rep Angelina Tan (4th District) dahil sa pag-aakusa dito na nagnakaw daw ang opisyal ng Malacañang ng cellphone mula sa isang kapwa kongresista nang siya ay miyembro pa ng Kongreso.

Sa isang reklamo na inihain ni Paras sa Quezon City Prosecutor’s Office, ipinilit ni Paras na hindi totoo at isang paninira ng reputasyon at pagkatao ang akusasyon ni Tan dahil sa galit nito sa isang TikTok video na nag-akusa sa kongresista ng Quezon at sa kanyang asawa ng korupsiyon.

Sa kanyang privilege speech, inakusahan ni Tan si Paras na siyang nasa likod ng TikTok video na nakabase sa isang report na lumabas sa news website na www.sovereignph.com na pag-aari ni Paras.

Ayon sa report na lumabas sa website ni Paras, may reklamo ng korupsiyon na isinampa laban kay Tan at sa asawa niyang si Ronel Tan, Regional Director ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Region 1 dahil sa mga nakolekta ng ospital nila na insurance payment galing sa PhilHealth scam.

Sinabi ni Paras na hindi siya ang nag-post ng naturang TikTok video at hindi nasasakupan ng parliamentary immunity ang akusasyon ni Tan dahil malinaw na hinalukay niya ang isyu bilang ganti sa paglabas ng news report sa website ni Paras.

Dahil walang katotohanan ang mga akusasyon ni Tan pero ginawa pa rin nito ng walang ebidensya, nagkasala ito ng libelo at dapat magdusa ito at magbayad ng danyos na umaabot ng P6 milyon, ayon kay Paras.

Calling me a cellphone theft is reckless and irresponsible. First, she said she does not know me personally, second, the accusation from a former Congressman Villlarin that I stole his cell phone was outright dismissed by the Fiscal’s Office, so how could Angelina Tan hurl malicious and defamatory words against me calling me cellphone theft unless she is thoughtless and carefree without being considerate to her fellow human being,” ani ni Paras

SMNI NEWS