KUMPIYANSA ang Office of the Solicitor General (OSG) na maihahain nila sa lalong madaling panahon ang quo warranto case laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ipinaliwanag ni Solicitor General Menardo Guevarra na lumitaw kasi sa kanilang imbestigasyon na bigo o hindi nakasunod si Mayor Guo sa mga legal requirements para sa late registration sa Philippine Statistics Authority (PSA) ng kaniyang birth certificate, tulad ng hindi pagsusumite ng ilang mga supporting documents at hindi pagkakatugma ng mga impormasyong nakalagay sa kaniyang birth certificate mula sa iba niyang public records.
Ginamit ding basehan ng OSG at PSA ang pagrerehistro kay Guo ng kaniya umanong ama kahit siya’y 19-years old na noong inirehistro dahil labag aniya ito sa isang NSO Administrative Order na dapat ay siya mismo ang naghahain ng late registration para sa mga edad 18-anyos pataas.
Wala rin umanong inilagay na dahilan kung bakit late nakapag-rehistro ng birth certificate ang alkalde, gayundin na nirehistro siya ng local civil registrar kahit kulang-kulang ang impormasyon sa kaniyang birth certificate.