Recalibration program sa Malaysia, palalawigin

Recalibration program sa Malaysia, palalawigin

INIHAYAG ni Home Affairs Minister Datuk Seri Saifuddin Nasution Bin Ismail na palalawigin ng gobyerno sa Malaysia ang pagpapatupad ng Undocumented Migrant Recalibration Program hanggang sa katapusan ng taon.

Ang programang ito ay kabilang sa napagkasunduan sa isinagawang pagpupulong na pinangunahan ni Prime Minister Datuk Seri Anwar Ibrahim.

Matatandaan na ang labor recalibration program ay inaasahang magtapos noong Disyembre 31, 2022.

Pinalawig ang programang ito upang maraming undocumented immigrants ang magiging legal bilang mga dayuhang manggagawa.

Ayon pa rito, sa recalibration program ay matutugunan ang kakulangan sa labor sector lalo na sa dirty, dangerous at difficult o 3D na trabaho.

Bukod pa rito, sinabi ni Datuk Saifuddin na ang mga employer ay papayagang kumuha ng mga dayuhang manggagawa mula sa 15 bansa nang hindi na kailangang dumaan sa pre-requisite na hiring at quota qualifications.

Kabilang sa 15 bansa ay ang India, Thailand, Cambodia, Nepal, Myanmar, Laos, Pakistan, Vietnam, Sri Lanka, Bangladesh, Turkmenistan, Uzbekistan, Indonesia Kazakhstan at Pilipinas.

Samantala, ang karagdagang detalye ay ihahayag ng kagawaran sa lalong madaling panahon.

Follow SMNI NEWS in Twitter