MATAGAL nang ipinatigil ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang reclamation projects sa Manila Bay ayon kay dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque.
Sa kaniyang programa sa SMNI News, nilinaw ni Roque na noon pa ay itinigil na ng gobyerno ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa reclamation projects.
Itinuturo aniyang dahilan ni FPRRD noon kung kaya’t ipinatigil ay ang korapsiyon.
Dahil dito, nais malaman ni Roque kung ilang reclamation projects ang nabigyan ng pahintulot sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa kasalukuyan naman ay apat sa limang reclamation projects sa Manila Bay ay sinuspinde na muna ni Pangulong Marcos.
Ang rason naman nito ay ang posibleng masamang maidudulot ng mga proyekto sa kalikasan.
Hinggil naman sa pangingialam ng Estados Unidos sa Manila Bay reclamation projects, binigyang-diin ni Roque na walang pakialam ang mga Amerikano sa anumang desisyon ng mga Pilipino.
Matatandaang ayon sa Estados Unidos, blacklisted sa kanila ang kompanyang China Communications Construction Co. (CCCC) dahil umano sa mga kwestiyunableng gawain kung kaya’t hindi rin sana kinuha ito ng Pilipinas.
Ang CCCC ay ang gumagawa sa reclamation projects sa Manila Bay.