PINAIIMBESTIGAHAN na ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Recruitment agency na employer sa hinalay na OFW sa Riyadh, Saudi Arabia.
Bukod dito ay suspendido na rin ang Philippine recruitment agency ng Pinay worker dahil sa hindi pinansin ang mga reklamo nito.
Nakauwi na sa bansa ang naturang OFW bago ibinulgar ang kanyang reklamo hinggil sa pan- aabuso sa kanya sa KSA.
Nanghihinayang naman si Labor Secretary Silvestre “ Bebot” Bello III sa sinapit ng isang Pinay woker na inabuso ng kanyang employer sa Riyadh ,Saudi Arabia.
Ayon kay Bello, bago ibinulgar ng Pinay ang ginawang pang-aabuso ng kanyang amo sa kanya ay sana nagsampa muna ito ng kaso bago umuwi ng bansa.
Ayon sa kalihim mismo ang may-ari ng Foreign Recruitment Agency (FDA) na siyang employer ng Pinay worker ang mismong umabuso sa kanya.
Bukod dito isa ring employer ni Michelle, hindi tunay na pangalan ang nagmolestiya bago ito nakauwi sa bansa .
Paliwanag ni Bello maaring takot ang umiral kay Michelle kaya hindi niya kaagad nai–report sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh ang ginawang paghahalay sa dalawa niyang employer.
Dahil dito, ipinag-utos ni Bello sa POLO na habulin ang may-ari ng Home Comfort Recruitment Office / Home Comfort Manpower Services, Meshail Mabrook Al Bassani Al Qahtani at employer na si Abdulaziz Ahlas.
“The only thing I can do now para mabigyan man lang ng katarungan ang ating kababayan, pinaimbestiga ko yung Foreign Recruitment Agency (FDA) at habang iniimbestiga, inano ko na hindi na muna siya makakapag-operate, wala syang kontrata na i-verify ng ating labor attaché, yun po ang straight order ko kay Labor Attaché Fidel Macauyag in effect, suspendido yung Foreign Recruitment Agency,” pahayag ni Bello.
Bukod sa naturang ahensya, ipinag-utos din ng kalihim sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na imbestigahan din ang local agency ni Michelle na nagdeploy sa kanya.
Sa ngayon suspendido muna ang SAMA International Recruitment Agency na hindi pumansin sa reklamo ng Pinay worker.
Dagdag ni Bello may ebidensya naman ang nangyari sa OFW dahil meron nang medical findings at dalawang buwan na itong nagdadalang-tao.
Pagdating sa Pinas ni Michelle, nagpunta ito sa Public Attorney’s Office (PAO) at binigyan ang Pinay ng legal assistance batay na rin sa kanyang sinumpaang pahayag.
Nagsagawa na rin ng forensic tests ang PAO na nagresulta na siya ay nakararanas ng pag-aabuso at pinsala.
Ayon kay Bello, isang pulis ang unang employer ni Michelle na humalay sa kanya sa Saudi nang 12 beses.