Recruitment ng National Academy of Sports, apektado sa posibleng tapyas sa pondo –Sen. Gatchalian

Recruitment ng National Academy of Sports, apektado sa posibleng tapyas sa pondo –Sen. Gatchalian

IKINABABAHALA ni Senador Win Gatchalian ang maaaring maging resulta sa recruitment ng National Academy of Sports (NAS) kung tuluyang tatapyasan ang pondo nito ng mahigit sa 100 milyong piso.

“Alam kong pinagsisikapan ng NAS na hikayatin ang mas marami pang mga mag-aaral. Ngunit kung babawasan natin ang pondo nito, hindi natin mahihikayat ang mas maraming mag-aaral na pumasok dito, lalo na kung sila ay nasa mga probinsya,” pahayag ni Gatchalian.

Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Finance ay pinuna ng mambabatas ang mas mababang pondo sa panukalang 2023 budget ng Department of Education (DepEd) at mga attached agencies nito.

Ang National Academy of Sports System ay may layong hasain ang talento sa sports at kakayahan ng mga mag-aaral.

Upang ito ay maisagawa, sasailalim sa pagsasanay ang mga mag-aaral gamit ang mga world class facilities.

Sa ilalim ng panukalang 2023 National Expenditure Program (NEP), P88,113,000 ang nakalaan para sa Sports-Integrated Secondary Education Program.

Bumaba ito ng P104,471,000 kung ihahambing sa P192,584,000 na inilaan sa ilalim General Appropriations Act (GAA) sa nakaraang taon.

Ayon kay NAS Executive Director Professor Josephine Reyes, ang mas mababang pondo sa Sports-Integrated Secondary Education Program ay makakaapekto sa pakikilahok ng mga mag-aaral sa mga sports competitions, mga scholarships, mga pagkain, nutritional supplements, at iba pang standard expenses na kinakailangan ng mga mag-aaral.

Si Gatchalian ang sponsor at isa sa mga may akda ng Republic Act No. 11470 na lumikha sa NAS System.

Mandato sa NAS System na magpatupad ng dekalidad at enhanced secondary education program na may integrated special curriculum on sports.

Nagbibigay rin ang NAS System ng full scholarships sa mga natural-born Filipino citizens na may natatanging potensyal sa sports.

Layon din ng NAS curriculum na tulungan ang mga student-athletes na maging mahusay sa kanilang sports o napiling larangan.

Sa nasabing batas ay inaasahan din ang pagpapatayo ng mga regional high schools for sports na popondohan ng gobyerno.

Ito ay upang matutukan din ang mga batang mag-aaral sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter