‘Recyclables Mo Kapalit Grocery Ko’ program ng MMDA, umarangkada sa Makati City

‘Recyclables Mo Kapalit Grocery Ko’ program ng MMDA, umarangkada sa Makati City

NANGONGOLEKTA na ng basura o recyclables ang Mobile Material Recovery Facility ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga kabahayan ng Barangay San Isidro, Makati City.

Ang nasabing aktibidad ay personal na pinangasiwaan ni MMDA Chairman Benhur Abalos sa ilalim ng programang ‘Recyclables Mo Kapalit ay Grocery.’

Dahil dito ay maagang pumunta ang ilang mga residente ng Brgy. San Isidro Makati City sa Brgy. Hall bitbit ang kanilang mga basura.

Pero hindi lang ito basta basta nangongolekta ng basura dahil namimigay rin ang ahensiya ng mga grocery.

Sa nasabing proyekto ng MMDA, maaaring ipagpalit ng mga residente ng Makati ang kanilang mga recyclables para sa grocery items gaya ng mga de-lata, noodles at bigas.

Layon ng Mobile Materials Recovery Facility na bigyang solusyon ang problema sa basura sa Kalakhang Maynila na maaari umanong maging sanhi ng pagbaha ngayong panahon ng tag-ulan.

Kabilang sa maaaring ipalit ang karton, bote, dyaryo , lata at iba pang recyclable materials.

Sa bawat basura na makokolekta ay makakalikom ng  ‘points’ ang mga residente at ire-record ito sa kanilang Ecosavers passbook.

Ang mga tauhan ng barangay mismo ang pupunta sa mga bahay-bahay at iko-convert ang basurang ibibigay nila sa points.

Ang points na nalikom ay maaaring gamitin sa pag-redeem na ang kapalit na food items sa MMRF market day.

Magtatakda naman ang barangay ng schedule para sa pagpapalit ng basura.

SMNI NEWS