Pinakikilos na ng National Irrigation Administration (NIA) ang mga regional office nito bilang paghahanda sa posibleng banta ng Bagyong Kristine sa sektor ng agrikultura.
Katunayan, maaaring higit isang milyong ektarya ng pananim na palay ang posibleng mapinsala sa siyam na rehiyon dahil sa bagyo.
Ganito ang karaniwang naidudulot sa sektor ng agrikultura tuwing may tumatamang kalamidad sa bansa.
Pinadadapa kasi ng malalakas na ulan ang mga pananim tulad ng palay, mais, at gulay.
May nasisira ding patubig ng National Irrigation Administration (NIA) sa ilang mga probinsiya dahil sa malakas na agos ng tubig-baha.
Kaya naman, pinakikilos na ng NIA ang lahat ng regional offices nito bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Kristine na inaasahang magla-landfall sa Northern Luzon.
Inatasan na ni NIA Administrator Eduardo Guillen ang lahat ng regional directors para maagang abisuhan ang mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga pananim.
Inaasahan din ang pagpapakawala ng tubig ng mga dam para mapanatiling nasa ligtas na lebel ang tubig habang pinaghahandaan ang posibleng pagbuhos ng ulan na dulot ng Bagyong Kristine.
In-activate na rin ang NIA Command Center para mabantayan ang lagay ng mga dam at iba pang mga sistemang pang-irigasyon sa buong bansa.
Pero, mas makakabuti rin aniya na patuloy na itinataguyod ang paglilipat ng cropping schedule para hindi na matapat sa panahon ng tag-ulan ang anihan.
Sa paraang ito ay matutulungan ang mga magsasaka na mapataas ang kanilang produksiyon.
“If only na ilipat natin ‘yung ating cropping calendar, na magtanim tayo ng October mag-ani ka ng February tapos tanim ka ulit tapos maka-ani na ng July at least ‘yung mga bagyuhang season ay hindi na aabutin. So, pinag-aaralan natin kung saan puwedeng gawin ‘yung dalawang cropping season na lesser ang risk sa ating mga bagyo, at least hindi naman kawawa ‘yung ating mga magsasaka,” wika ni Engr. Eduardo Guillen, Administrator, NIA.
Higit 1-M ektarya ng pananim na palay sa 9 rehiyon sa bansa, posibleng mapinsala ng bagyong Kristine—DA
Sa bulletin naman ng Department of Agriculture (DA), aabot sa higit 1.3 milyong ektarya ng mga pananim ang maaaring maapektuhan ng Bagyong Kristine sa 9 rehiyon sa bansa.
Nagpaalala naman ang ahensiya sa mga magsasaka na maaari nang anihin ang “matured crops” upang mapakinabangan pa.
Ilagay na rin sa ligtas na lugar ang mga kagamitang pagsaka gayundin ang mga binhi, abono, at mga alagang hayop.
Nakahanda rin naman ang ayuda na maaaring ipamahagi sa mga maapektuhan ng kalamidad sa ilalim ng Quick Respond Fund at iba pa.