SA pagpapatuloy ng adhikain ni Senator Christopher ‘Bong’ Go na makapagpatayo ng Regional Specialty Center sa buong Pilipinas ay walang patid din ang mga ginagawang hakbang upang makatulong sa bawat Pilipinong nangangailangan ng pangkalusugang aksiyon.
Sa kaniyang naging pagbisita sa probinsiya ng North Cotabato, nitong Sabado Agosto 5, 2023 ay inihayag niya ang layong magtatag ng Regional Specialty Centers sa buong Pilipinas.
Layunin ng programang ito na mapalawak at mapabilis ang mga serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino.
“Ito pong pinasa namin sa Kongreso, ito pong Regional Specialty Center. Nakakuha po ako ng 24-0 na boto nito sa Senado, pati oposisyon bomoto dahil alam nila na makakatulong sa mga kababayan natin. Ano po itong Regional Specialty Center? Di ba ang Heart Center nasa Manila? Ngayon, ang mga kababayan natin ay babyahe pa ng Manila para magpa-opera sa puso. Ngayon, maglalagay na po ng mga specialty center sa buong Pilipinas, sa mga existing DOH Regional Hospital,” ayon kay Sen. Christopher Go.
Sa isinagawang aktibidad ng butihing senador, personal itong nanguna sa pagbubukas ng ika-158 na Malasakit Center na itinayo sa loob ng Cotabato Regional and Medical Center katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at opisyales ng Cotabato City, North Cotabato.
Nakatanggap din ng grocery packs, vitamins, masks, at marami pang iba ang 621 na pasyente at 2,535 medical frontliners at mga tauhan nito mula kay Sen. Bong Go.
“Meron na tayong 158 na Malasakit Center sa buong Pilipinas na handang tumulong po sa ating mga kababayan. Ang Malasakit Center, batas na ‘yan, isinulong ko po noon. It’s a one stop-shop. Nasa loob na po ng ospital ang apat na ahensiya ng gobyerno. Natutuwa po ako na hindi lang apat na ahensiya ang nandirito, iba’t ibang programa ang… Mas sobra pa sa Malasakit Center ang nilagay diyan, kumpleto po. One stop-shop nandito na po sa inyong napakagandang gusali na ito,” dagdag ni Sen. Go.
Sa 307 na target na ipatatayo na Super Health Center sa taong 2022 at 322 sa 2023 sa buong Pilipinas, kabilang na dito ang pinasinayaan at binuksan sa publiko na Super Health Center at bagong Rural Health na pinangunahan ni Sen. Go kasama ang punong-bayan na si Apol Cuan, at iba pang officials sa bayan ng Libungan, North Cotabato.
“Unang-una, congratulation po sa bayan ng Libungan, North Cotabato, sa inyong bagong Super Health Center. Tapos na po, puwede nang gamitin.”
“Napakaganda nitong Super Health Center, makakatulong po itong Super Health Center sa mga kababayan natin at mahihirap. Ito pong Super Health Center, tapos na po ang Super Health Center, part po ito ng tinatarget na 307 na Super Health Center sa buong Pilipinas sa year 2022 at 322 na Super Health Center sa taong 2023 sa buong Pilipinas,” aniya.
Samantala, personal din na dinaluhan ng senador ang groundbreaking ceremony ng panibagong Super Health Center sa Midsayap, North Cotabato.
Sa parehong araw, isang pamamahagi rin ng ayuda para sa mga mamamayan ng munisipyo ng Libungan ang ginanap sa covered court ng Brgy. Batiocan at municipal gymnasium ng Midsayap, North Cotabato.
Sa pamamagitan ng mga programang pangkalusugan ni Sen. Go, tunay nga na isa itong malaking hakbang tungo sa mas inklusibo at madaling maabot na sistema ng pangangalaga sa kalusugan, saan mang lokasyon sa bansa.