Registration ng Duterte Youth, kinansela ng COMELEC 2nd Division; Duterte Youth, pwede pang umapela

Registration ng Duterte Youth, kinansela ng COMELEC 2nd Division; Duterte Youth, pwede pang umapela

SA botong 2-1 ng COMELEC 2nd Division, kanselado na ang registration ng Duterte Youth Partylist.

Ang desisyon ay kaugnay ng isyu sa accreditation ng partylist, kung saan inakusahan itong hindi nagsagawa ng publication na isa sa mga pangunahing requirement ng komisyon.

Una nang sinuspinde ng National Board of Canvassers ang proklamasyon ng Duterte Youth dahil sa kasong ito.

Nilinaw naman ni COMELEC Chairman Atty. George Garcia na maaari pang magsumite ng motion for reconsideration ang nasabing partylist.

Ibig sabihin, wala pa itong agarang epekto at maaari pa rin itong maiproklama, lalo na kung maipapaliwanag ng maayos ng kanilang panig kung bakit kailangang baligtarin ng dibisyon ang desisyon nito.

Si Ronald Cardema, chairman ng Duterte Youth, may bwelta naman sa mga COMELEC Commissioner na pumabor sa kanselasyon.

Samantala, ang natalong congressional candidate sa Bohol na si Jordan Pizzaras ay naghain ng petition for certiorari laban sa COMELEC sa Korte Suprema upang kuwestyunin ang naging resulta ng halalan.

Ibinunyag ni Pizzaras na sinubukan umano siyang suhulan ni COMELEC Chairman George Garcia upang manalo sa eleksyon.

Noong October 2024, dumalaw umano siya sa opisina ni Garcia para sa isang courtesy call. Dito raw siya sinabihan na kailangan niya ng 300 million pesos para manalo.

Naniniwala si Pizzaras na ito rin ang naging karanasan ng ilang kandidato, kaya’t hindi na raw nangampanya ang iba.

Si Atty. Harold Respicio ang magsisilbing testigo sa inihaing petisyon, kung saan ibinunyag niya na gumamit umano ng hindi awtorisadong software ang COMELEC para manipulahin ang resulta ng halalan.

Bahagi umano ng kanilang hiling sa Korte Suprema ang madisbar si Chairman George Garcia.

Samantala, bukas naman si Garcia sa inihaing kaso.

Ayon sa kanya, mas mainam na dumaan ito sa tamang proseso upang maipaliwanag ng maayos ang panig ng kanilang kampo kaysa pag-usapan lamang ito sa social media.

Panawagan pa ng opisyal — huwag gamitin ang COMELEC para sa pansariling interes o promosyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble