INILAHAD ng isang mataas na opisyal sa Commission on Elections (COMELEC) na maaari nang ma-check ng mga botante ang kanilang local registration.
Sa isang press conference sinabi ni COMELEC Commissioner George Garcia na available na sa local COMELEC offices ang Precinct Computerized Voters List (PCVL).
Ito aniya ang pagbabatayan kung nakarehistro na nga ba ang botante sa isang presinto.
“Yung kasing piniprint na PCVL, ay ang local COMELEC. Kina counter check yun versus the database. Maganda na andun kayo at masaksihan nyu po yun,” pahayag ni Garcia.
Paliwanag ni Garcia ang ang PCVL o voters list mula sa local offices ay i-kakacounter check sa election day computerized Voters’ List (EDCVL) na mula sa COMELEC database.
Mahalaga aniya na ang pangalan ng botante ay nasa dalawang listahan upang walang maging aberya sa araw ng halalan.
“Makakaboto ka kung ang pangalan mo ay nasa labas at nasa loob ng presinto. Kung ang pangalan mo ay nasa labas ng presinto pero wala sa loob ng presinto, hindi ka makaboboto. Kung ang pangalan mo ay nasa loob ng presinto pero wala sa labas ng presinto, makaboboto ka,” ani Garcia.
Paalala naman ni Garcia na ang COMELEC ay magbibigay ng Voters’ Information Sheet.
Dito malalaman kung saang lugar boboto at aling presinto boboto ang isang botante.