HINDI makatarungan para sa ilang motorista ang regulasyon ng gobyerno laban sa mga e-trike, tricycle, at iba pang light vehicle.
‘‘Asan po ang justice po? Asan po ang katarungan dito? Tandaan niyo po iyan. Hindi ako aalis dito.’’
Iyan na lamang ang naibulalas ni Mang Ross matapos na kumpiskahin at i-impound ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dalawa niyang e-trike na nakaparada sa harap ng isang electric vehicle shop sa kahabaan ng Quirino Avenue.
Papaayos niya lang sana ang kaniyang mga e-trike pero naabutan kasi ito ng mga taga-MMDA na nakaparada sa national road.
Ang masaklap pa niyan, wala siyang dalang lisensiya.
Batay sa regulasyon ng MMDA na kung hindi rehistrado o walang maipakitang lisensiya ang nagmamaneho nito, kukumpiskahin at i-impound ang mga unit.
Pero katuwiran ni Mang Ross…
‘‘What’s wrong with that? What’s wrong? There’s it’s very normal na I have to go here because this is a motor shop bike oh. (Pero nasa national road.) Is that our problem already? I know that this is a national road. It’s unfair,’’ dagdag pa ni Ross Bongat.
To the rescue naman si Aireen kay Mang Ross na nagmamaneho din ng e-trike.
Pumalag din siya sa nasabing regulasyon na aniya ay hindi aniya makatarungan lalo na sa kanilang mga nagtra-trabaho nang maayos at umaasa lamang sa e-trike para kumita.
‘‘Mali yung inaano nila. Eh papaano naman kaming mahihirap? Dapat tingnan po nila ‘yung sitwasyon ng mga tao. Tingnan po nila sitwasyon ng tao. Gaya niyan, naghahanapbuhay kami nang maayos,’’ ayon kay Aireen Tornelyo, Nagmamaneho ng E-trike.
Nitong umaga ng Huwebes, marami-rami rin ang natiketan at nakumpiskang e-trike, tricycle, at iba pang light vehicles ang MMDA.
Pinagmulta ng P2,500 ang mga nagmaneho ng mga naturang unit na nahuling dumaann sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ang mga hindi rehistrado at walang maipakitang lisensiya ay kinumpiska at iniimpound naman ang mga unit.
MMDA sa mga nagrereklamong light vehicle drivers: Hindi maaaring i-sacrifice ang road safety
Ayon sa MMDA, bagama’t naiiintindihan nila ang hinaing ng mga gumagamit ng mga nasabing sasakyan ay hindi naman tamang isakripisyo ang road safety o kaligtasan ng iba pang motorista.
‘‘Gusto nating iparating sa publiko na gumagamit nitong mga alternatibong transportasyon is we are concerned of their safety also dahil hindi naman po maaari na we sacrifice ‘yung road safety ng mga motorista just for the convenience. Alam natin na malaking tulong ito because we are slowly traversing to the electrified era or green era pero kailangan pa rin nating ipatupad nang maayos ang batas at bigyan lang po natin sila ng regulasyon kung saan lang po silang puwedeng dumaan,’’ pahayag ni Gabriel Go Officer-in-Charge, MMDA Special Operations Group.
Payo naman ng MMDA sa mga electric vehicle shop na matatagpuan sa kahabaan ng mga national road — humanap na lang ng paraan para maipagpatuloy pa rin ang kanilang hanapbuhay.