APAT na taon na ang nakalipas mula nang sinugod ng mga teroristang Maute ang Lungsod ng Marawi noong Mayo 23, 2017.
Ang naturang digmaan sa pagitan ng Maute group at mga sundalo ay nagtagal ng limang buwan kung kaya’t halos wala nang natira sa syudad.
Sa loob ng isang buwan noong 2017, 360, 000 katao sa Marawi at kalapit na lugar ang napalikas.
Aabot naman sa 920 na mga militante, 165 na sundalo, 47 na sibilyan ang nasawi dahil dito.
Tinatayang 1,780 na indibidwal ang na-hostage at na-rescue mula sa mga Maute.
Ngunit sa kasalukuyan ayon sa Task Force Bangon Marawi, malaki na ang pinagbago ng lugar at tinatayang mahigit 60% nang tapos ang rehabilitasyon.
Mga daan, paaralan, health centers, patubig, pa-ilaw at tatlong libong permanent shelters ang pokus sa rehabilitasyon na ginagawa ng Task Force Bangon Marawi ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Undersecretary at Task Force Bangon Marawi focal person Zyril Carlos.
Target naman na makumpleto sa Disyembre 2021 o kaya sa Marso 2022 ang rehabilitasyon ayon kay DHSUD Sec. Eduardo del Rosario.
Malaki ang naging pasasalamat ng Marawi Sultanate League sa progresong hatid ng pamahalaan sa Marawi.
(BASAHIN: P350-B international aide para sa Marawi victims hindi lahat dumaan sa gobyerno —Del Rosario)