MULING ipinanawagan ni Senador Bong Go ang pagsusulong sa pagtatayo ng mga drug rehabilitation center sa buong bansa upang mabigyang prayoridad ang mga naging biktima ng iligal na droga na makapag-bagong buhay muli.
Sa naging manipestasyon ni Sen. Go sa pampublikong pagdinig ng Senate Committee on Public Order noong Martes, Nobyembre 22, binigyang-diin ni Go na mabigyang prayoridad ang mga naging biktima ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Go, bukod sa paglaban para sa kaligtasan at seguridad ng bansa laban sa banta ng iligal na droga at kriminalidad ay dapat na ituon din ng pamahalaan ang kanilang pansin sa rehabilitasyon at pagbawi ng mga naging biktima nito sa pamamagitan ng pagtatayo ng drug abuse treatment and rehabilitation centers sa buong bansa.
“As we continue to intensify our campaign against corruption, criminality and illegal drugs, efforts to protect the welfare of the victims must be also equally prioritized. Through the establishment of drug abuse treatment and rehabilitation centers, we can intensify our efforts in helping our fellow Filipinos take back their lives from the dark grip of dangerous drugs,” ayon kay Sen. Go.
Inihayag din ng butihing senador ang pagkabahala nito na hindi magagamit nang tama ang mga rehabilitasyon gaya ng naitatag nang drug rehabilitation center sa Nueva Eciha at Las Piñas ng nakaraang administrasyong Duterte kung walang nais na lumahok sa programa at pagkakaroon ng malinaw na proseso para isagawa ito.
Ito ay matapos na mapansin ni Go na walang nagpaparehab dahil sa hindi alam ng mga ito ang tamang proseso gaya ng mga nanay na nais ipa-rehab ang kanilang mga anak pero mahaba anila ang proseso at hindi alam kung sa pulis o PDEA ba sila pupunta para dito o kailangan ba na ng kautusan ng korte bago sila makapagparehab.
“Isa po sa napapansin ko kaya walang nagpapa-rehab ay yung proseso po. Minsan po (may) mga nanay na gustong ipa-rehab yung anak nila (pero) mahaba ang proseso. Ano po ang proseso? Pupunta ba sila sa pulis o sa PDEA? Kailangan ba na korte ang mag-order sa kanila bago pa sila ipasok o pwede na (diretso) ipa-rehab?” dagdag ni Go.
Pangalawa ani Go sa kanyang napansin ay ang nagiging pagtakas ng mga biktima ng droga sa rehabilitation centers, ano ba umano ang proseso para maiwasan ito.
Dapat aniya na maengganyo ang mga ito na magpa-rehab sa halip na tumakas at kung hindi maaksyunan ng pamahalaan ang ganitong pangyayari at mababalewala lamang ang karagdagang rehabilitation center na itatayo.
Iginiit ni Go na malaking tulong ang naging drug war ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung saan bumaba ang crime rate ng bansa sa 73.76% mula taong 2016 hanggang 2021 ayon sa ulat ng Philippine National Police.
Paliwanag ni Go, totoong nakita nito sa nakaraang administrasyon na kapag na-contain ang paglaganap ng iligal na droga ay bumababa rin ang kaso ng kriminalidad pero kapag lumala na muli ang iligal na droga sa bansa at dadaming muli ang gumagamit nito ay tiyak ding babalik ang kriminalidad.
“Sa totoo lang po, sa nakita ko noong nakaraang administrasyon, kapag na-contain ang paglaganap ng ilegal na droga, kasamang bumababa ang krimen. Pero kapag lumala na naman po ang ilegal na droga, kapag dumami muli ang mga gumagamit nito, bumabalik ang kriminalidad,” aniya pa.
Naniniwala naman si Go na bilang Chairman of the Committee on Health na pupukusan ng kasalukyang administrasyong Marcos ang usaping ito sa rehabilitasyon.
Nagpahayag naman ng suporta si Commission on Human Rights Executive Director Atty. Jacqueline Ann de Guia sa inisyatiba ng senador na magtatag ng isang sentro ng rehabilitasyon ng droga sa bawat lalawigan.
“We have since expressed support for a human rights-based approach to policies and initiatives that prioritize health, rehabilitation, and socioeconomic interventions for the treatment and recovery of persons who use drugs,” ayon kay Atty. Jacqueline Ann de Guia, Executive Director-Commission on Human Rights.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Go sa kasamang Senador Bato dela Rosa sa pagsuporta nito sa nasabing pagdinig.
“Nagpapasalamat po ako sa ating chairman na si Senator Bato sa pagdinig na ito… nung panahon ni (dating) Pangulong Duterte, isa sa mga unang tinutukan niya, ikaw yung namuno noon — isa sa mga namuno ng kampanya. Of course, ikaw po yung chief ng Philippine National Police noong panahong ito, aside from your campaign, nagtatag po kayo, nagpagawa po ang gobyerno ng mga rehabilitation centers,” saad ni Go.
Sa huli, iginiit ni Go ang kanyang matibay na pangako na labanan ang “mga sakit ng lipunan” tulad ng iligal na droga, kriminalidad at katiwalian.