HINDI makakaapekto sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang rekomendasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na kasuhan siya ng sedition at grave threats.
Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, magkaibang proseso ang impeachment at ang mga kasong kriminal, kaya’t maaaring magpatuloy ang dalawa nang sabay.
Sa isang press conference ngayong Miyerkules, nilinaw ni Escudero na ang reklamong isinampa ng NBI ay makaka-impluwensiya sa magiging desisyon ng Senado sa impeachment trial.
“Walang epekto ‘yun sa napipintong impeachment proceedings. Walang bearing at walang kinalaman ‘yun dun. Sa katunayan, pwedeng magpatuloy ‘yun nang sabay, pwedeng mauna, pwedeng sumunod. Wala siyang bearing sa impeachment proceedings na isasagawa ng Senado,” ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Ang reklamo ng NBI laban kay Duterte ay may kaugnayan sa umano’y pahayag niya na siya ay nag-hire ng isang tao upang patayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mamatay.
Samantala, itinanggi ni Vice President Duterte ang akusasyon at iginiit na ang kaniyang pahayag ay “maliciously taken out of logical context”.