PAPARATING na ang relief supplies ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga probinsiya ng Surigao del Norte at Surigao del Sur.
Ito ay bilang bahagi ng misyon ng PCG na matulungan ang mga mamamayang apektado ng pananalasa ng Bagyong Auring.
“Intended siya sa areas affected sa Surigao del Sur at del Norte. ‘Yung mga nauna kahapon were brought to Surigao del Sur,” ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armando Balilo.
Lulan ng BRP Gabriela Silang at BRP Malapascua ng mga kahon ng food packs, tents, sleeping kits, at mga bote ng alcohol.
Ang mga nasabing suplay ay mula sa Department of Social Welfare and Development at inihatid ito sa Port Area ng Pier 15.
Sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC), umakyat na sa 49, 947 ang apektadong pamilya mula sa limang rehiyon.
Kabilang sa mga rehiyon ang CARAGA Region na may 47,791 pamilya, sinundan ng Region 10 na may 1,337 pamilya, Region 11 na may 803, Region 5 na may 15, at Region 8 na may isa.
Nasa 18,000 pamilya naman ang nananatili sa 176 evacaution centers sa nasabing mga rehiyon.