Renewal ng mga permit, lisensya at prangkisa, pinalawig ang deadline

PINALAWIG ng Department of Transportation ang deadline para sa renewal ng mga permit, lisensya at prangkisa mula sa Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ito ay sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon.

Ayon kay DOTr Assistant Secretary Goddess Libiran, inatasan na ni DOTr Secretary Arthur Tugade sina LTO Asec. Galvante at LTFRB Chairman Delgra na mag-isyu ng direktiba sa lalong madaling panahon sa pagpapalawig ng deadlines para sa renewal ng mga permit, lisensya at mga prangkisa sa katapusan ng Abril.

Ani Libiran, resulta ito ng pakikipag-uusap ni Sec. Tugade kay Senate Pres. Tito Sotto.

Una nang sinabi ni Sotto na nangako si Tugade sa kanya na palalawigin ang mga nasabing renewal.

Samantala, malaking bahagi ang kooperasyon ng publiko sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon ayon sa Philippine National Police.

Ito’y matapos na obserbahan na marami na ang sumusunod sa ipinatutupad na protocol at ang mga exempted o authorized nalang ang pwedeng lumabas at bumiyahe.

Sa panayam ng SMNI News kay PNP Chief of the Directorial Staff Maj. Gen. Guillermo Eleazar, malaki ring bagay ang pagsuspinde ng pampublikong transportasyon at ng mga pasok sa trabaho para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.

Nilinaw naman ni Eleazar na may sapat namang protective gears ang task force na nangunguna sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine.

Patuloy naman itong nananawagan sa publiko na mag-ingat para makaiwas sa paglaganap ng COVID-19.

“Muli gusto nating iparating sa ating mga kababayan na dapat alam natin ang ating mga responsibilidad. Unang-una kung tayo’y talaga hindi allowed sa labas, infact alam natin in general na sa bahay. Except medical and essential services activities, tayoy mag-stay po ng bahay. Tayo po ay makipag-cooperate, at ‘wag tayong makipagsapalaran dahil hihigpit talaga ang law enforces para ipatupad to. Isipin nalang po natin na magtulong-tulong sa ating ginagawa para once and for all, di na tumagal pa ang problema at eventually bumalik na tayo sa normal na buhay na wala ng hurdle na magkakasakit pa or mamatay,” payo ni Eleazar.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.