Rep. Dong Gonzales, nanumpa na bilang bagong Senior Deputy Speaker

Rep. Dong Gonzales, nanumpa na bilang bagong Senior Deputy Speaker

NANUMPA na si Pampanga Rep. Aurelio ‘Dong’ Gonzales bilang bagong Senior Deputy Speaker ng 19th Congress, ngayong araw, Mayo 22, 2023.

Biglang natigil ang sesyon kanina nang pumasok sa plenaryo sina Speaker Martin Romualdez at Gonzales.

Una nilang pinuntahan ang puwesto ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na napalitan sa puwesto nakaraang linggo bilang senior deputy speaker.

Doon nagmano si Speaker Martin Romualdez kay Arroyo habang bumati rin si Gonzales sa Dating Pangulo.

Pagkatapos nito ay nanumpa si Gonzales bilang senior deputy speaker.

Kasama naman nito si Arroyo sa oath-taking.

Pagpapakita ito ng liderato na maayos at walang gusot sa pagitan ng mga mambabatas.

Kumpleto ang liderato nang manumpa si Gonzales, sina Arroyo at Romualdez.

Nitong nakaraang linggo nang sabihin ni Arroyo na may namumuong coup d’etat laban kay Romualdez at siya umano ang nakikitang pasimuno bagay na itinanggi ng Dating Pangulo.

Matapos sibakin bilang senior deputy speaker, nag-resign naman si Vice President Sara Duterte bilang chairman ng Lakas-CMD.

Si Romualdez ang pangulo ng Lakas-CMD, pero ngayong hapon, lumagda sa isang alliance ang partido PDP-Laban ni Gonzales at Lakas-CMD ni Romualdez.

Ang alyansa ay tanda umano ng matibay na samahan ng mga kongresista para isulong ang legislative agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Romualdez, nanawagang ‘isantabi na ang pamumulitika na wala sa tamang panahon’

Samantala, pagtutuunan naman ng Kamara ang pagpasa sa mga prayoridad na panukalang batas ni Pangulong Marcos.

Sa gitna ito ng isyung sibakan sa puwesto sa Kamara.

Ayon kay Romualdez, marami pang trabaho ang naghihintay sa Mababang Kapulungan at lilipas rin ang mga isyung pulitika.

“There is still much work to do, so occasional moves to destabilize the House should be nipped in the bud,” ayon kay House Speaker Martin Romualdez.

Sa halip na mamulitika, hinimok ni Speaker Romualdez ang Mababang Kapulungan na unahin ang mas mahalagang mga isyu.

Diin niya, ‘isantabi na ang pamumulitika na wala sa tamang panahon’ at pagtutuunan nang mas maraming oras ang paghahanap ng solusyon sa mga tunay na suliranin ng karaniwang Pilipino.

“Isantabi na po ang pamumulitika na wala sa tamang panahon. Kung mas mapagtutuunan natin nang mas maraming oras ang paghahanap ng solusyon sa mga tunay na suliranin ng karaniwang Pilipino, sama-sama tayong babangon muli,” dagdag ni Romualdez

Pinakahuling nagpahayag ng suporta sa liderato ni Romualdez ay ang Visayan Bloc.

Follow SMNI NEWS in Twitter