INANUNSIYO ni Rep. Dan Fernandez na handa ito at si Rep. Bienvenido Abante Jr. na pansamantalang bakantehin ang kanilang chairmanship.
Kasunod ito ng inihayag ni dating Mandaluyong City Police Chief Col. Hector Grijaldo na kinausap siya ng naturang mga mambabatas para kumpirmahin ang umano’y reward system sa War on Drugs ng duterte administration.
Sa naging pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Oktubre 22, sinabi ni Grijaldo na kinausap siya ni Fernandez at Abante para kumpirmahin ang sinabi ni Retired Colonel Royina Garma na mayroon talagang reward system.
Kasama pa aniya nito sa isang kwarto noong kinausap siya ng dalawang mambabatas ang abogado ni Garma.
Sa pagdinig nitong Huwebes, Nobyembre 7, sinabi ni Fernandez na ang kanilang hakbang ni Abante ay upang hindi mabahiran ng negatibong impresyon ang isinagawang pagdinig ng Quad Com.
Ang kanila naman aniyang pagbaba bilang chairman ay kung dadalo sa pagdinig si Grijaldo at tatalakayin na ang naturang isyu.