UMABOT na sa 1,200 sqm ang paglalagay ng concrete pavement sa runway ng Davao International Airport.
Sa panayam, sinabi ni Civil Aviation Airport Authority of the Philippines (CAAP) Spokesperson Eric Apolonio kasama sa pagkukumpuni ang pag-alis ng dalawang pulgadang makapal na nasirang aspalto, paglalagay ng emulsified asphalt tack coat, paglalagay ng mainit na bituminous asphalt mixture, at iba pa.
Paliwanag ni Apolonio, usable ang Davao runway at ito na ang pagkakataon para mapasailalim ito sa pagkukumpuni.
Tiniyak din ni Apolonio ang nasabing emergency repair ay hindi nakakaapekto sa flights ng mga pasahero dahil ginagawa lamang nila ito tuwing madaling araw.
Bagamat isa lang ang runway sa Davao International Airport, may sapat naman na lalapagan ang eroplano dahil napakabilis ang curing time sa inilagay na asphalt overlay sa runway.
Sa loob ng apat na oras ay matibay na ang naturang aspalto at maaari na agad magamit.
Sa tala naman ng CAAP, aabot sa 72 flights bawat araw ang umaalis at dumarating sa Davao International Airport.
Sinabi naman ng CAAP Davao Airport na hanggang sa Mayo 31 sa susunod na buwan magtatapos ang ginagawang pagkukumpuni sa runway.