Requirements sa mga lalahok sa solidarity trial ng mga bakuna, inilatag ng DOST

BINIGYANG-DIIN ng Department of Science and Technology (DOST) na mahalagang mabigyan ng tamang impormasyon ang mga partisipante ng solidarity trial ng mga bakuna ng COVID- 19 na pangungunahan ng World Health Organization (WHO), bago sila makasali nito.

Ayon kay Director Jaime Montoya ng DOST – Philippine Council for Health Research and Development, kabilang sa impormasyong nais malaman ng mga lalahok sa naturang trial ay ang posibleng epekto nito at kabutihang madudulot sa kanila.

Una sa requirement, kailangang nasa 16-taong gulang na at pataas ang mga partisipante at nakatira doon sa lugar na pupuntahan o kasama sa trial.

Dagdag pa ni Montoya, dapat hindi pa sila nabigyan ng bakuna para makita kung talagang epektibo ito.

At ang pinakaimportante, ani Montoya, kailangan nagbigay ang mga ito ng informed consent na sila ay sumasama sa solidarity trial kung saan naipaliwanag sa kanila kung ano ang gagawin dito at willing silang sumali sa pananaliksik na ito.

Pilipinas, kailangan ng 15,000 partisipante para sa vaccine solidarity trial ng WHO

Mababatid na tuluy-tuloy na ang paghahanda ng pamahalaan para sa malawakang pagsali ng Pilipinas sa isinasagawang solidarity trial ng mga bakuna sa pangunguna ng WHO.

Samantala, inihayag ng Dost na nangangailangan ng 15,000 mga partisipante ang Pilipinas para sa gagawing solidarity trial.

Layon nito na subukan sa bansa ang dalawang bagong klase ng bakuna laban sa coronavirus.

Saysay ni Montoya, isang study team ang susuri kung kwalipikadong sumali ang isang indibidwal kung saan ipapa-follow up sila ng trial team bawat linggo sa loob ng isang taon.

Maliban sa Pilipinas, inumpisahan na rin ng WHO ang recruitment sa mga piling lugar sa Mali at Colombia.

SMNI NEWS