Resolusyon na nagbibigay papuri sa pagkapanalo sa 2023 SEAG ng Gilas Pilipinas, inihain ni Sen. Jinggoy

Resolusyon na nagbibigay papuri sa pagkapanalo sa 2023 SEAG ng Gilas Pilipinas, inihain ni Sen. Jinggoy

NAGHAIN ng resolusyon si Senator Jinggoy Ejercito Estrada upang papurihan at kilalanin ang kahanga-hangang tagumpay sa pagkapanalo ng gintong medalya ng Gilas Pilipinas Men’s National Basketball Team sa katatapos lamang na 32nd Southeast Asian Games (SEAG) na ginanap sa Phnom Penh, Cambodia.

Ang kahanga-hangang performance ng pambansang koponan ng basketball sa biennial multi-sport event ay nagpabalik sa pagiging kampeon ng Pilipinas na 3 dekada nang sunud-sunod na nananalo simula pa noong 1991.

“Ang kanilang napakalaking tagumpay sa international tournament ay nararapat na papurihan at bigyan ng pagkilala mula sa Senado ng Pilipinas,” ayon kay Sen. Jinggoy Estrada.

Binigyan-diin niya na ang tagumpay ng Gilas Pilipinas ay nag-ambag sa 58 gintong medalya na nakuha ng buong delegasyon ng bansa sa Phnom Penh, edisyon ng regional sports event na dinaluhan ng 11 na bansa sa Timog-Silangang Asya.

Ang pagkapanalo nila ang ika-56 na gintong medalya na nakuha ng Pilipinas.

Napagtagumpayan ng Gilas Pilipinas Men’s Team ang laban sa home court advantage ng Cambodia matapos silang matalo sa preliminary round.

Ang koponan ng host country ay pinangungunahan ng ilang naturalized players.

Naungusan ng Gilas Pilipinas ang Indonesia sa semi-finals, dahilan para mapatalsik sa trono ang defending champions at masungkit ang puwesto sa finals.

Ang tagumpay na ito ng pambansang koponan ng basketball ay nagbigay ng ika-19 na titulo ng Pilipinas sa nasabing sport mula noong 1977 at nagpatibay sa posisyon ng bansa bilang isang basketball powerhouse sa rehiyon matapos ang ika-2 puwestong pagtatapos sa 31st SEAG sa Hanoi, Vietnam.

“Ang Gilas Pilipinas Men’s National Basketball Team ay nagpakita ng disiplina, katatagan, at pagtitiyaga–mga positibong pagpapahalaga na maaaring tularan ng kanilang kapwa atleta at ng nakababatang henerasyon. Ang kanilang kuwento ng tagumpay ay nagpamalas ng hindi matitinag na diwa ng mga Pilipino at world-class caliber na nagdala ng karangalan at dangal sa isang bansang buong puso ang pagmamahal at pinagsisikapan ang larong basketball,” ani Estrada.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter