Resolusyon sa kaso ng pagkamatay ni Christine Dacera, ilalabas sa susunod na buwan

SUBMITTED na for resolution ang kaso na may kaugnayan  sa pagkamatay ni flight attendant Christine Dacera nitong nakaraang Bagong Taon.

Kinumpirma ito  ng kampo ng mga respondents na isinasangkot sa pagkamatay ni Tintin.

Ayon kay Atty. Mike Santiago, sinabi ng piskalya na aabutin ng hanggang animnapung araw o dalawang buwan bago mailabas ang desisyon nito sa tunay na dahilan ng pagkamatay ni Christine.

Nauna nang pinanindigan ng kampo ng mga respondents na malabo ang mga ebidensiya at paratang ng Pamilya Dacera para iugnay sa kanilang mga klieyente ang pagkamatay ni Christine.

Matatandaang, batay sa medico legal report ng PNP, lumabas na may mga pasa sa iba’t ibang parte ng katawan si Christine na naging dahilan para maglabas ng alegasyon ang Pamilya Dacera na may krimen na nangyari sa mismong araw ng January 1, 2021.

Sa kanilang paghaharap-harap ng dalawang panig, aminado na mismo ang kampo ng mga respondents na pagod na sila nsa nasabing kaso.

Sa isang panayam sa isa sa mga abogado ng mga respondents, sinabi nitong masyado nang apektado ang kanilang mga kliyente mula sa nasabing kaso.

Hanggang sa ngayon, bigo pa rin anng kampo ng PNP na magsumite ng hinihinging toxicology report  sa opisina ng piskalya.

Pero ayon sa kampo ng mga respondents, kumpiyansa ito na mapapawalang sala ang kanilang kliyente.

Ito na ang ikalimang pagdinig sa kaso ng pagkamatay ni Christine Dacera.

SMNI NEWS