Personal na nakikiusap si Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda, Jr. na irespeto ang batas habang nagsasagawa ng kilos protesta ang iba’t ibang grupo sa bansa.
Ito ay sa kabila ng isandaang porsiyentong kahandaan ng PNP para sa ika-2 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Lunes, Hulyo 24, 2023.
Kasunod ito ng ginawang simulation exercises ng PNP personnel para sa inaasahang worst case scenario sa SONA ng Pangulo.
Sa ngayon, handa na ang nasa 22 libong tauhan ng PNP para tumugon sa kabuuang seguridad ng Pangulo at sa mahahalagang tao na inaasahang dadalo sa SONA sa Lunes.
Nabatid na bukod sa Pangulo at mga gabinete nito, nakatakda ring dumalo sina dating Vice President Jejomar Binay at mga dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Joseph Erap Estrada.