Respondents sa pagkamatay kay Christine Dacera, ngayong araw magtatapos ang 72-hour ultimatum

NGAYONG araw magtatapos ang 72-hour ultimatum na ibinigay ng Philippine National Police sa lahat ng respondents sa pagkamatay ni Christine Dacera noong mismong araw ng Bagong Taon.

Tuloy ang panawagan ng pamunuan ng Philippine National Police o PNP sa lahat ng respondents sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Ayon sa PNP, Nasa labin isang katao ang pinaghihinalaang sangkot sa hindi pa nareresolbang kaso kung papaano namatay si Christine habang kasama nito sa naganap na yearend party nitong Bagong Taon

Matatandaang nauna nang naaresto ang tatlong suspek at napasailalim sa kostudiya ng Makati City Police Station.

Pero kalaunay napalaya din matapos magdesisyon ang Makati City Prosecutors Office na kulang ang presentation ng ebidensiya ng PNP laban sa mga suspek.

Pero paglilinaw ng PNP, nananatiling bukas pa rin ang kaso at tuloy ang manhunt operations sa walo pang at large.

Kahapon, nagtungo at humarap sa tanggapan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region ang dalawang abogado ng mga respondent sa pagkamatay ni Christine a.k.a Tintin o Aica na tawag ng kaniyang mga kaibigan.

Pasado alas-8:00 kahapon, nang dumating sina Atty. Mike Santiago abugado ni Gregorio de Guzman at Atty. Paul Malapote, abugado ni Jammyr Cunanan sa Camp Crame.

Dala ng mga abogado ang position paper ng kanilang respondents at iprinisenta ito kay CIDG-NCR Chief, Col. Randy Silvio.

Batay sa pahayag nito, natanggap nila ang mga subpoena na ipinadala ng mga pulis matapos ipag-utos ni PNP Chief Police General Sinas na sumuko ang kanilang mga kliyente.

Ayon pa sa dalawang abogado, ay hihintayin muna nila ang preliminary investigation sa kaso at doon na ihaharap ang mga kliyente nila.

Nauna nang sinabi ni PNP Chief Police General Debold Sinas na ipapa-contempt nito ang lahat ng respondents kung bigo itong humarap sa mga otoridad oras na matapos na ang tatlong araw na palugit sa kanila.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin mahanap ang lokasyon ng lima pang mga respondents sa kaso.

Nasa kamay ngayon ng PNP CIDG ang pagrebyu sa isinumiteng papeles ng legal counsel ng tatlong respondents.

SMNI NEWS