UMAARAY pa rin ang ilang empleyado ng mga restaurant sa Metro Manila dahil sa epekto ng pandemya ng COVID-19 sa kanilang mga pinagkakakitaan.
Sang-ayon ang mga Metro Manila mayors na muling buksan ang dine-in at personal care establishments para sa mga fully vaccinated sa panahon ng Modified Enhance Community Quarantine (MECQ) upang makabawi ngayong COVID-19 pandemic.
Imumungkahi rin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang panukalang ito sa IATF sa susunod na pagpupulong.
Sa kasalukuyan ay ipinagbabawal pa rin ang dine-in services kahit inilipat na ang Metro Manila at Laguna sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Gaya ng inaasahan, kaunti lang ang mga lumalabas ng bahay upang bumili ng pagkain dahil sa restriksyon.
Kaya mungkahi ng ilang restaurant owner upang makabawi ay payagan na ang mga fully vaccinated individuals na makapagdine-in ngayong MECQ.
Metro Manila mayors, sang-ayon na buksan ang dine-in at personal care establishments
Ayon kay Mayor Francis Zamora na marami sa mga Metro Manila mayors ang sang-ayon sa pagpayag sa mga fully vaccinated na makapag-dine-in o makapunta sa mga malls at personal care establishments.
Maging ang Department of Trade and Industry (DTI) ay isinusulong na rin ang panukalang pagdine-in at pumunta sa personal care services ang mga nabakunahan laban sa COVID-19.
Naniniwala si Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na makatutulong ito para sa mga negosyante para mabawi ang kanilang kita mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
“So we will try to assess everything kung paano ang magiging protocol natin. Pero nandiyan na rin ‘yung proposal na iyan para lang ma-consider maibalik na kahit na certain parts ng mga dine-in at personal care at saka ibang tourism establishments. Ibig sabihin ng certain parts parang may operating capacity na papayagan, 20% at saka ‘yung certain parts yung vaccinated lang kasi sila yung safe at this time dito sa mga bawal na mga sector na ito,” pahayag Lopez.
Pabor rin si Lopez na unang papayagan ang mga LGUs sa Metro Manila na tumanggap ng mga fully vaccinated sa mga restaurant at personal care establishments.
“Okay sa atin iyon para in a way may maumpisahan nang mabuksan kung saan pwede lalo na with the cooperation with the LGUs. So that would be good,” ayon kay Lopez.
Paglilinaw naman ni Lopez na ang panukalang pagpayag sa mga fully vaccinated na kumain sa loob ng mga restaurants at pumasok sa mga personal care establishments ay sa panahon ng lockdown lamang kung saan ikonokonsidera ang vaccination status.
Pero kung muling mailalagay sa General Community Quarantine ang Metro ay papayagan rin naman kahit hindi pa bakunado na makapagdine-in kung saan tinitingnan lamang ang operating capacity.