ITINAKDA ng Korte Suprema sa Disyembre 5, 2023, araw ng Martes, ang schedule ng paglalabas ng resulta ng 2023 Bar Exams.
Matatandaang, mahigit 10,700 ang lumahok sa Bar Exams na ginanap noong Setyembre.
Gaganapin ang public announcement sa courtyard ng Supreme Court Main Building sa Padre Faura Street, Maynila, kung saan ipalalabas sa LED screen ang listahan ng mga pumasa.
Bubuksan ng SC alas-12:00 ng tanghali hanggang alas-6:00 ng gabi ang gates ng SC courtyard para sa mga nais mag-abang sa resulta ng Bar Exams.
Mahigpit naman na magpapatupad ng dress code sa loob.
Bawal ang mga naka-tsinelas, maiikling shorts o palda, at mga sleeveless na damit.
Sa mga hindi naman makapupunta sa Supreme Court, maaari silang mag-abang ng resulta sa official website at social media pages ng Supreme Court.
Maagang ilalabas ng SC ang official livestream links at QR codes ng portal ng mga resulta sa kanilang official YouTube at Facebook pages sa Disyembre 4.
Pinayuhan ng SC at Office of the 2023 Bar Chair ang Bar takers na tiyaking sa mga official communication channels lang ng Korte Suprema mag-abang ng resulta, para maiwasan ang banta ng mga maling imporsmasyon at hindi tamang detalye sa Bar Exams results.
Samantala, sa Disyembre 22 naman ang oath taking at roll signing ceremonies para sa mga matagumpay na Bar examinees, na gaganapin sa SMX Convention Center, Pasay City.
Pinaalalahanan ang mga magiging Bar passers sa babayarang ₱5,190 na admission at certification fee.
Maglalabas pa ng mga anunsiyo at mechanics ang SC kaugnay ng seremonya sa mga susunod na araw.