NAKATAKDA nang isumite anumang araw mula ngayon ang resulta ng ebalwasyon ng 5-man advisory group kaugnay sa mga isinumiteng courtesy resignation ng 3rd level officers ng Philippine National Police (PNP) dahil sa isyu ng iligal na droga.
Sa panayam kay outgoing PNP chief General Rodolfo Azurin, Jr., tapos na sila sa kanilang ebalwasyon sa mga pangalan ng 953 police officers na tumagal halos ng 3 buwan.
Aminado naman si Azurin na hindi sila nahirapan sa paghimay sa mga pangalan ng pulis na posibleng sangkot sa iligal na droga bagamat tiniyak ng grupo na maayos nilang pinag-aralan ang bawat dokumento.
Sinabi rin ng heneral na may ilang pangalan silang nakita na siya namang isinasangkot sa 990kg na shabu noong nakaraang taon sa Maynila bagamat bigo nitong sinabi ang kanilang rekomendasyon dito.
Isusumite ang rekomendasyon ng grupo sa tanggapan ng NAPOLCOM bago sa opisina ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.