IPINALIWANAG ni dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica kung bakit at kung paano matatanggal ang mga isyu ng korupsiyon sa Bureau of Customs (BOC).
Kasunod ito sa inilabas na listahan ni outgoing Senate President Vicente Tito Sotto III ng umano’y mga sangkot sa smuggling ng mga agricultural products ayon sa nakalap na intelligence reports.
Number 1 sa listahan si Customs Chief Rey Leonardo Guerrero, Customs Deputy Raniel Ramiro, Vener Baquiran, at Director Geofrey Tacio.
Ngunit para kay Belgica, malalim ang ugat ng mga kamalian sa BOC.
“Paulit-ulit po nating tanggalin ang mga opisyal diyan yung mga nasa listahan, kailangan siyempre imbestigahan po lahat ‘yan. Paulit-ulit mo man magtanggal nakita naman po natin sa nakaraang eleksyon marami kaming napatanggal, napaimbestigahan maraming na-expose pero hindi matigil-tigil ang smuggling diyan. It’s because of the system that is conflicting,” pahayag ni Belgica.
Saad ni Belgica na mali na pagsabayin sa Customs ang mandato bilang tagakolekta ng buwis at bilang tagahuli ng mga smuggler.
“Dahil ‘yung trabaho po mangolekta ‘pag itinambal mo sa trabahong manghuli ang kalalabasan yung mga nanghuhuli mo ang kokolektahan ay yung mga hinuhuli,” ani Belgica.
Diin ni Belgica, paulit-ulit na ang maling sistema na iyan sa BOC na dapat mabago.
“Doon naman po sa mga importer at smugglers pagka-hinigpitan mo naman sila at pinigil nila ang kanilang mga shipments babagsak naman ang koleksyon ng Bureau of Customs. Pag bumagsak ang koleksyon ng Bureau of Customs, puputukan po niyan ang komisyon ang mga kolektor dahil sasabihin na naman kaya raw bagsak o kwestyunin na bagsak ang koleksyon baka naman daw sila nagsa-smuggle. So sila under pressure to produce the revenues targeted for them every month. So that will mean they will have to call the importers or the smugglers to bring in their shipments o dalhin ang kanilang shipments para umabot sa kaniyang quota. Pagka-ganyan po ang nangyari, eh ‘yan na ho yung kaliwa’t kanang pakiusapan,” ani Belgica.
Giit ni Belgica na dapat amyendahan ang Customs Charter at may magsulong nito sa Senado at Kamara.
“’Yung revenue generation dapat pong ibigay sa BIR yan at yung anti-smuggling kaya po ng Customs gawin ‘yan. Dahil kilala po ng Customs ang lahat ng smuggler at importer sa bansa. So ‘pag inalis mo sa kanila yung pressure to raise the revenue magagawa nila nang maayos ang kanilang trabaho. At the same time mawawalan na ng discretion both the BIR and the Customs to play with the shipments and the contrabands dahil hindi naman kayang maglabas ng kargamento ng BIR sila lang ang mangongolekta ng buwis at taripa at hindi naman kayang mangolekta ng buwis at taripa o mag-demand ng buwis at taripa ang Customs dahil sila lang naman ay nanghuhuli ng smugglers,” ani Belgica.