Revilla, inalala ang mga senior citizens sa selebrasyon ng International Day of Older Persons

Revilla, inalala ang mga senior citizens sa selebrasyon ng International Day of Older Persons

HINDI palalampasin ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang Oktubre 1 bilang paggunita at pagbibigay-pugay sa kontribusyon ng mga senior citizens sa ating lipunan.

“Nais kong gamitin ang pagkakataon na ito upang taos-pusong pasalamatan ang lahat ng ating mga senior citizens. Kayo po ang matibay na ugat na patuloy na nagsisilbing pundasyon ng ating lipunan” panimula ni Revilla.

Ayon kay Revilla, sa dapit-hapon umano ng kanilang pamumuhay ay marapat lamang na alalahanin ang papel na kanilang ginampanan para maisaayos ang ating lipunan.

“Sa ating kultura, ang pagbibigay pugay at respeto sa kanila ay pinapakita natin sa pamamagitan ng pagmamano at nakagisnan natin ang paggalang na ito bilang pagdakila na kung wala sila ay wala tayo ngayon” saad pa ni Revilla.

Malalim umano ang pinag-ugatan ng ating kultura ayon kay Revilla at literal na pinatag umano ng ating mga ninuno ang mga daang ating tinatahak ngayon upang magkaroon tayo ng pagkakataong makatakbo.

Bakas umano sa mga linya sa kanilang mukha ang mga karanasang nagpayaman sa ating kasaysayan at hindi maitatanggi na ang kanilang mga pinagdaanan ay patunay na napagtagumpayan nila ang buhay para sa susunod na lahi.

Sinabi pa ni Revilla na bilang mambabatas ay palaging nasa  prayoridad umano niya ang adbokasiya na maipanalo ang kapakanan ng mahal niyang mga senior citizen kaya palaging may nakalaan siyang panukalang batas na makatutulong sa mga ito.

Binigyang-diin pa ni Revilla na naghain umano ito ng Senate Bill No. 21 na nagnanais na amyendahan ang “Centenarians Act of 2016” para ibaba ang nakatakdang edad kung kailan matatanggap ang monetary benefits.

Sa lenggwahe umano ng orihinal na batas, lahat lang ng Pilipino na aabot sa edad na isang daan ang makakatanggap ng cash gift na nagkakahalaga ng P100,000.

Pero batid umano na kakaunti lang ang umaabot sa edad na ito. Kaya nais ni Revilla na ibaba ang edad upang mas marami pa sa ating mga kaawa-awang lolo at lola ang makatanggap at makinabang sa cash gift na ito.

Bilang pagpapahalaga pa sa kalusugan ng mga lolo at lola ay inihanin ni Revilla ang Senate Bill No. 262 o ang “Abot-Kayang Gamot, Bitamina, at Gatas para sa Malusog na Senior Citizen Act”.

Karagdagang tulong umano upang mabili nila sa mas mababang presyo ang mga pangunahing pangangailangan nila upang tumibay ang kanilang resistensya.

“Ika nga ng kanta, tatanda at lilipas din tayo. Kaya nawa’y sa paglubog ng araw sa buhay ng ating mga lolo at lola, sama-sama tayong nakaagapay, nakaalalay, at nakayakap sa kanila kaya again, Happy International Day of Older Persons sa ating mga lolo at lola” pagwawakas pa ni Revilla.

Follow SMNI NEWS in Twitter