Revilla ipinaglalaban ang proteksiyon ng mga bata; Tinututulan ang mga panukalang nagpo-promote ng kabastusan

Revilla ipinaglalaban ang proteksiyon ng mga bata; Tinututulan ang mga panukalang nagpo-promote ng kabastusan

MULING iginiit ni Sen. Bong Revilla ang kaniyang pangako na protektahan ang mga bata at mga batang magulang sa pamamagitan ng pagsusulong ng Senate Bill No. 1209, na may layuning tiyakin na ang mga bata ay hindi malalantad sa mga mapanganib at hindi angkop na konsepto ng sekswalidad at magbigay ng suporta sa mga batang magulang.

Ayon sa isang pahayag, nilinaw ni Revilla na ang layunin ng kaniyang isinumiteng Senate Bill 1209 ay para maiwasan ang patuloy na pagdami ng kaso ng pagbubuntis sa murang edad at tiyakin na ang mga batang magulang ay makakakuha ng tamang suporta upang mapalaki ang kanilang mga anak sa isang malusog at maayos na kapaligiran.

Nagpahayag siya ng pangamba hinggil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kabataan na sangkot sa karahasan, tulad ng panggagahasa, at ang tumataas na bilang ng mga menor-de-edad na nagiging magulang sa murang edad.

“I will do everything in my power to protect our kids and all our children from obscenity and lewdness. We have to preserve the sanctity of procreation. Walang lugar dyan para sa kababuyan,” pahayag ni Revilla, binigyang-diin ang kahalagahan ng tamang paggabay sa mga susunod na henerasyon upang maiwasan ang paulit-ulit na siklo ng mga batang nagiging magulang nang maaga.

Tinutulan din ni Revilla ang Senate Bill No. 1979, isang panukala na, ayon sa kaniya, ay naglalaman ng mga probisyong salungat sa layunin ng kaniyang isinusulong na batas.

Tiniyak ng senador sa publiko na kung itutulak ang mga probisyong ikinababahala niya, tututulan niya ito at “haharangin ko na maipasa.”

Bilang isang ama at lolo, ibinahagi ni Revilla ang kaniyang personal na koneksiyon sa isyu at ang kaniyang matinding pag-aalala para sa kapakanan ng mga bata, lalo na ang mga pinalaki ng mga batang magulang.

Layunin ng panukalang batas ni Revilla na tugunan ang mga suliraning ito, upang maiwasan ang patuloy na pagkasira ng kinabukasan ng kabataan at matiyak na lumalaki ang mga bata sa ligtas at suportadong kapaligiran.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble