Revilla isinulong sa Senado na imbestigahan ang talamak na kidnapping sa bansa

Revilla isinulong sa Senado na imbestigahan ang talamak na kidnapping sa bansa

INIHAIN ni Senator Ramon Bong Revilla Jr. nitong Martes ang proposed Resolution No. 207 na inaatasan ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na magsagawa at pangunahan ang imbestigasyon sa napaulat na umano’y lumalalang kaso ng mga kidnapping sa bansa.

Kabi-kabila ang ulat na naglabasan sa media hinggil sa sunud-sunod na kidnapping at pagkawala ng ilang indibidwal na umano’y mula sa Filipino-Chinese communities at Chinese POGO workers.

“Kailangang agarang matutukan ang tumataas na kaso ng kidnapping na nagpapalaganap ng takot sa taumbayan. Patuloy pa rin ang paghahasik ng lagim ng mga masasamang loob kaya kailangang maging hudyat na ito na walang sinoman ang ligtas sa batas, kailangan silang panagutin,” ani Revilla.

Ayon sa Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry (PCCCI), ang sunud-sunod na pagdukot ay umabot na sa 56 ang naging biktima sa loob lamang ng 10 araw na karaniwan ay naganap sa southern cities ng Metro Manila tulad ng Pasay, Parañaque, Makati, at Taguig.

Kahit noong bago pa man naglabas ng ulat ang PCCCI, ay hindi na maampat ang balita hinggil sa nagaganap na kidnapping nitong nagdaang mga buwan ng Hulyo at Agosto kung saan isang babae pa ang natagpuang patay matapos ang ilang araw na pagkawala.

Si Princess Dianne Dayor, 24, ay nawala noong Hulyo 2 at natagpuan matapos ang tatlong araw sa isang creek.  Nasundan naman ito noong Agosto 9, nang mawala rin ang isang 15 anyos na babae sa San Jose del Monte City at natagpuan itong patay sa kasunod na bayan sa Bulacan.

Samantala, may kumakalat na videos sa social media na nagpapakita ng actual footage ng kidnapping at pag-torture sa ilang biktima at isa sa mga video ay naganap na sa kasagsagan ng liwanag ng araw sa kahabaan ng Skyway sa Parañaque.

Magkagayun man, naglabas ng ulat ang Philippine National Police (PNP) na nasa 27 lamang umano ang naitala nilang insidente ng kidnapping simula Enero 2022 na taliwas sa inilabas na ulat ng PCCCI.

 “Kailangang umaksiyon na ang pamahalaan hinggil dito, hindi natin papayagan na magpatuloy ang ganitong masamang gawain-kaya tinatawagan ko ang mga kasamahan ko sa Senado na alamin natin ang katotohanan sa likod ng mga pagdukot na ito, kailangang may managot dahil walang pinipili ang ngipin ng batas,” pagwawakas  ni Revilla.

Follow SMNI NEWS in Twitter