NAGBUHOS ng tulong para sa mga kababayan ang naging pagdalaw ng batikang mambabatas na si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. sa Eastern Visayas nitong buong araw ng Huwebes, Setyembre 19 matapos niya pangunahan ang pamamahagi ng financial assistance.
Umaga pa lang ay nagsimula na si Revilla sa pag-iikot sa iba’t ibang bayan sa rehiyon upang personal na makita ang kaniyang mga mahal na pinaglilingkuran at diretsong maiabot ang kaniyang hatid na tulong.
Tumungo ang senador sa Tacloban City, Maasin City sa Southern Leyte, Borongan City sa Eastern Samar, at sa Calbayog City sa Samar. Siya ay sinamahan at binigyang-dangal ng mga punong lalawigan at akalde ng mga nasabing lugar bilang pasasalamat sa kaniyang malaking tulong.
Humigit-kumulang 8,000 ang naging benepisyaryo ng cash assistance program na naisakatuparan sa pamamagitan ni Revilla, at sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kanilang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
“Gaya ng lagi kong sinasabi, binibigay lang po natin sa ating mga kababayan ang mga dapat naman talaga nilang natatanggap mula sa gobyerno. Nawa ay makatulong ito sa kanilang mga pang araw-araw na pangangailangan hanggang sa tuluyang umunlad ang kanilang mga buhay,” ani Revilla.
“Hindi po tayo magsasawang puntahan mismo ang ating mga kababayan para mag-abot ng tulong. Tungkulin po natin ito at kahit kailan ay hindi natin tatalikuran,” dagdag pa ng mambabatas.
Bago matapos ang araw, tumungo rin si Revilla sa groundbreaking ceremony ng Eastern Visayas Provincial Hospital Medical Arts Building. Ang pasilidad na ito ay bagong gusali na may apat na palapag para palakasin pa lalo at pagandahin ang out-patient services ng ospital.
“Ang pagtatayo ng Medical Arts Building na ito ay hindi lamang isang simbolo ng bagong gusali, kundi isang hakbang patungo sa mas masigla at mas malawak na serbisyong pangkalusugan para sa ating mga kababayan,” saad ni Revilla.
“Tandaan po natin na ang kalusugan ng bawat mamamayan ay kayamanang walang kapantay. Sa tuwing magtatayo tayo ng bagong ospital, o tulad ng proyektong ito, isang Medical Arts Building, ipinapakita natin ang ating dedikasyon sa pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan. Ipinapaalala sa atin nito na ang serbisyo sa kalusugan ay hindi pribilehiyo kundi isang karapatan na dapat matamasa ng bawat Pilipino,” pagtatapos niya.