NAKIISA si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. sa isinagawang paggunita sa World Day of Remembrance (WDR) for Road Traffic Victims na isinagawa Linggo, Nobyembre 19 ng umaga sa isinagawang commemorative event na inorganisa ng Motorcycle Philippines Federation (MCPF) kung saan nasa 4,000 motorcycle riders ang inimbitahang makilahok.
Nagsimula ang naturang programa sa pamamagitan ng motorcade na nagsimula sa President Diosdado Macapagal Boulevard sa Pasay City at nagtapos sa Strike Gymnasium sa Bacoor City, Cavite kung saan ginanap ang kabuuan ng pagtitipon.
Ang World Day of Remembrance for Road Traffic Victims ay isang international day na ginugunita tuwing ikatlong Linggo ng Nobyembre bawat taon upang alalahanin ang mga biktima ng road crash at upang itaas pa ang kamalayan hinggil sa road safety kasabay ng panawagan sa iba pang pagkilos upang maibsan ang bilang ng nasasawi.
Sa speech ni Revilla, binigyang diin nito ang kahalagahan ng road safety promotion and education upang bigyang pugay at alalahanin ang mga nasawi dahil sa aksidente sa kalye.
“Magkaakibat po ito sapagkat sa pamamagitan lamang ng road safety promotion and education natin tunay na madadakila ang mga binawian ng buhay dahil sa mga aksidente sa lansangan. The only way to honor and memorialize victims is to take the necessary steps so that there will be no more victims in the future,” saad pa ni Revilla.
Inalala rin ng beteranong mambabatas ang pagsasabatas ng Republic Act No. 10054 o ang “Motorcycle Helmet Act of 2009” na kaniyang inakda upang atasan ang lahat ng motorcycle riders, kabilang ang driver at angkas nito na magsuot ng standard protective helmets sa tuwing magmamaneho.
“Dahil sa batas na ‘yan ay nakita natin ang pagbaba ng insidente ng pagkamatay ng mga rider na nai-involve sa mga vehicular crashes. While there is no exact figure on how much the severity and mortality rate has dropped in the past 14 years, it is estimated to be 37% effective in preventing fatal injuries to motorcycle operators and 41% effective for motorcycle passengers. Helmets also reduce the risk of severe brain injury by 70%,” paliwanag pa ni Revilla.
Sa huling bahagi ng pananalita ni Revilla ay hinikayat niya ang mga nagmamaneho na isabuhay ang kultura ng respeto sa gitna ng kalsada sa pakikisalamuha sa kapwa driver.
“Kailangan nating magtulungan upang magkaroon ng kultura ng respeto at paggalang sa lansangan. At isa ngang hakbang para diyan ay ang ginagawa natin ngayong araw. We will be seeing road safety techniques and hopefully learn from the experience. Gamit naman ang mga mapupulot at matutunan natin, magkakaroon tayo ng pagkakataon na palaganapin ang tamang kultura sa paggamit ng lansangan,” pagwawakas ni Revilla.
Sa huling bahagi ng programa ay ginawaran ng parangal ng MCPF si Revilla bilang Ambassador for Motorcycle Road Safety and as a Road Safety Warrior.