TINUKOY ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. noong Sabado, Agosto 3 ang pananagutan ng may-ari ng lumubog na MT Terra Nova oil tanker na nagdulot ng oil spill at ngayon ay umabot na sa coastal towns ng Cavite na labis na nakaaapekto sa kabuhayan ng lokal na mangingisda.
Ayon sa Provincial Government ng Cavite, walong bayan sa nabanggit na lalawigan ang labis na naapektuhan ng naturang oil spill—ito ang Bacoor, Kawit, Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, Maragondon, at Ternate, na kinailangan pang magdeklara ng state of calamity.
“Hindi tayo naghahanap ng sisi. Wala namang may kagustuhan na lumubog ‘yung tanker na ‘yon sa lakas ng bagyo noong nakaraang linggo. Pero may dapat tayong gawin upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari. Hindi pwedeng walang managot. Hindi pwedeng walang accountability. Nakakalungkot at nakakadismaya kasi napakalawak ng pinsala nitong oil spill na to hindi lang sa kalikasan kung ‘di sa kabuhayan rin ng ating mga kababayan, Kaya dapat ‘yung may-ari ng barkong lumubog, dapat tumulong at manguna sa paglilinis ng kumalat na langis sa karagatan. They should also compensate the fisherfolk. Nawalan ng kabuhayan ang ating mga mangingisda. Kahit pa walang may kagustuhan ng nangyari, may responsibilidad pa rin sila diyan. Hindi pwedeng hahayaan lang ‘yan at iba ang sasagot sa problemang nadulot nila,” paliwanag ni Revilla.
Ayon sa ulat, ang MT Terra Nova ay naglayag lulan ang 1.4 milyong litro ng industrial fuel.
Ang pamahalaan ng lalawigan ng Cavite ay ipinagbawal na noong nakaraang Biyernes, Agosto 2 ang panghuhuli ng isda at iba pang pagkaing dagat sa pangambang magdudulot ito ng kontaminasyon mula nang tumagas na langis.
Samantala, diniin ni Revilla na dapat magbayad ng kompensasyon ang may-ari hinggil sa pananagutan nito patungkol sa environmental damages ng lumubog na oil tanker. Dapat aniya itong kunin mula sa insurance ng may-ari ng naturang tanker.
“Dapat singilin ang may-ari ng barkong ito para sa environmental damages. Let its insurance cover for everything. Dapat may insurance ‘yung mga ganyan di ba? Dapat habulin natin sila. Moreover, we should tighten the regulation on ships and tankers that we allow to voyage our seas. Kung sa inspection pa lang, kulang na tayo, para bang sinadya na rin nating mangyari ito,” pagwawakas pa ni Revilla.