PINURI ni Senate Committee on Public Works Chairperson Ramon Bong Revilla, Jr. noong Martes, Agosto 13 ang Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa bago nilang polisiya patungkol sa paggamit ng plastic waste para patagalin ang lifespan ng espalto na ginagamit sa mga kalsada sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng Department Order No. 139, s. 2024, inaprubahan ng ahensiya ang paggamit ng low-density polyethylene (LDPE) plastic bag waste bilang sangkap sa hot mix asphalt na ginagamit ng DPWH.
Kaugnay sa naturang polisiya ay inatasan ni DPWH Sec. Manuel Bonoan ang lahat ng regional offices, district engineering offices, at Unified Project Management Office clusters na sumunod sa naturang kautusan pagdating sa road construction projects.
“We congratulate the DPWH for their innovative policy of integrating plastic waste in their infra projects, especially on road construction. Nakakatuwa kasi hindi lang ito para mas magiging sustainable ang mga proyekto nila kundi malaking tulong rin ito sa waste management,” saad ni Revilla.
“Kung matatandaan natin nitong nakaraan, nagpatawag tayo ng hearing sa Senado patungkol sa pagbaha. Isa sa mga lumabas na rason ng mabilis na pagbaha ay ang dami ng basura na bumabara sa daluyan ng mga tubig, lalo na ang plastic. Kaya malaking tulong itong bagong polisiya ng DPWH para mabawasan ang problema natin sa basura,” dagdag pa niya.
Matagal nang iminumungkahi ni Revilla ang pagsasagawa ng resilient at sustainable infrastructure projects. Kung matatandaan noong siya ay nagpatawag ng hearing sa Senado noon pang taong 2022 patungkol sa pagbaha, binigay niya ang suhestiyon na gawing sustainable ang mga plano patungkol sa pagresolba sa baha.
“Noon pa man ay minumungkahi ko na sa DPWH na gawing resilient at sustainable ang mga proyekto nila, and they did not disappoint with this new policy. Suportado natin basta i-assure lang nila na compliant sa standards ang mga materyales para masigurong hindi rin compromised ang mga infra projects natin,” aniya.