Revolutionary Government, hindi prayoridad ni Pangulong Duterte sa ngayon

Revolutionary Government, hindi prayoridad ni Pangulong Duterte sa ngayon

HINDI suportado ng gobyerno ang panawagang magdeklara ng revolutionary government sa ngayon.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperman Harry Roque sa ginanap na pulong-balitaan kung saan nilinaw ng kalihim na pinuno ng isang constitutional government si Pangulong Rodrigo Duterte at sinabing hindi kinakailangan sa ngayon ang revolutionary government.

“It does not enjoy any support po from government right now. It is a private initiative but the private individuals can express freely their views as part of freedom of speech.” Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque

Dagdag pa ni Roque, bagaman hindi suportado ng pamahalaan ang pagsusulong ng naturang panukala, ay isinusulong pa rin naman ng Administrasyong Duterte ang pederalismo.

“Ang pamamaraan naman po for Charter Change is constitutional convention, constitutional assembly at pwede pong pirma, ‘yung people’s initiative. So, any of the three will do para isulong ang Charter Change for federalism.” Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque

Sinabi pa ng tagapagsalita ng Palasyo na kasalukuyang naka-focus ang punong-ehekutibo sa COVID-19 response at most urgent concern ng pamahalaan ang dahan-dahan na pagbubukas ng ekonomiya habang pinoprotektahan ang mga tao na bumalik na ng trabaho sa gitna ng pandemya.

Binigyang-diin naman ni Roque na walang ambisyon si Pangulong Duterte na i-extend ang kanyang termino.

Ito naman ang sagot ni Secretary Roque sa pahayag ni Senator Joel Villanueva na dapat kasuhan ng inciting to sedition ang mga nagsusulong ng revolutionary government.

“Protected speech po iyan. There is no clear and present danger arising from their expressions.” Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque

Inilahad ng Malakanyang na may kalayaan ang isang indibidwal, grupo, o organisasyon na maghayag ng kani-kanilang opinyon at consistent aniya ang hukuman sa mga desisyon nila hinggil sa malayang pamamahayag.

Mababatid na nanawagan ang grupo ng mga tagasuporta ng presidente na Mayor Rodrigo Roa Duterte – National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) para sa pagtatatag ng isang revolutionary government hanggang sa katapusan ng kanyang termino sa 2022.

Revolutionary Government, labag sa konstitusyon —IBP

Inihayag naman ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na unconstitutional ang panawagang revolutionary government.

Giit ng IBP walang legal, factual, o moral basis ang pagsusulong ng RevGov at ang pag-impluwensya ng grupo sa taumbayan para isulong ito ay maituturing na inciting to sedition.

Pahayag naman ni Vice President Leni Robredo hindi na dapat i-entertain o pansinin ang mga panawagang ito ng mga supporters ng pangulo dahil lalo lang nitong nilalayo ang focus ng gobyerno sa COVID-19 pademic.

Naniniwala si Robredo na iligal at paraan ng pag-“overthrow” sa pamahalaan ang hinihiling na revolutionary government ng mga tagasuporta ni Pangulong Duterte.

Umapela ang pangalawang pangulo sa administrasyon na huwag nang hayaan pa na makabwelo ang nabanggit na grupo para sa revolutionary government dahil panira ito sa mga nagawa na nila lalo ngayong may pandemya.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.