Rice retailers, nagbebenta ng palugi dahil sa itinakdang Maximum SRP ng gobyerno sa imported rice

Rice retailers, nagbebenta ng palugi dahil sa itinakdang Maximum SRP ng gobyerno sa imported rice

ISANG araw matapos maipatupad ang Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa imported na bigas, may ilan pa ring nagbebenta ng lampas sa itinakdang P58 kada kilo.

Umaga ng Martes nang magsagawa ng inspeksiyon ang ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA) para personal na makita ang presyuhan ng bigas partikular na sa Trabajo Market sa Sampaloc, Maynila.

May ilang tindahan namang nakasunod sa itinakdang MSRP pero may ilan din na sobra sa P58 ang benta rito.

Paliwanag naman ni Wilson—hindi rin kasi nila pu-puwedeng ibaba kaagad ang presyo na hindi pa nila nababawi ang puhunan.

“’Yan ay nabili namin na mas mahal pa kaya nasa P60 pa po siya.”

“Ini-unti unti na po naming palitan kasi kakarating lang sa amin ‘yung news na kailangan nang magbaba,” ayon kay Wilson Santiago, Rice Retailer.

Ang bigasan namang ito ni Sharina Doctor sa nasabing palengke ay nakapagbenta na rin ng P58 na imported na bigas.

‘Yun nga lang ay sapilitan niya itong ginawa para hindi lang mapatawan ng multa na malaking pasanin sa kanilang hanapbuhay.

Sabi ni Sharina, mula sa P8 kada kilo na kita ay bumaba aniya ito sa P2 dahil sa pagsunod nila sa kagustuhan ng gobyerno.

“Kasi ang iniiwasan din namin ‘yung magpatupad sila ng price ceiling.  Kasi kapag nag-price ceiling ang fixed na ‘yung presyo kumbaga wala kaming magagawa kahit malugi kami o ano, wala,” wika ni Sharin Doctor, Rice Retailer.

Ang Department of Agriculture (DA) naman ay sinita ang mga retailer na nakitaan ng mataas na presyo sa imported na bigas.

Wala anila munang notice of violation pero kailangan na makipag-ugnayan ng mga retailer sa kanilang mga supplier.

“Kapag naglabas ng guidelines tayo po ay naglagay ng period for compliance after po nun ay talagang magiging strict tayo,” wika ni Atty. Genevieve Velicaria Guevarra, Assistant Secretary for Consumer Affairs, DA.

“Dapat ay immediately ay mapag-usapan nila ang mga stock ay sa susunod ay hindi na talaga puwede na may makita kami na may ganitong mataas lalo na ‘yung P60 to P65, will give them enough time,” pahayag ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

QC LGU, handang i-blacklist ang mga rice retailer na nananamantala sa presyo ng imported rice kahit nagpatupad na ng MSRP

Ang Quezon City government naman ay hindi raw magdadalawang isip na parusahan ang mga rice retailer na mahuhuling nananamantala sa presyo ng imported na bigas sa kabila ng MSRP.

Sabi ng Market Development and Administration Department ng QC govt nasa higit 10 pampublikong palengke raw ang sumunod sa P58.

‘Yun nga law ay higit 30 pribadong palengke naman ang bigo anila sumunod dahil sa iba’t ibang kadahilanan.

“Subject of revocation of permit kami naman ‘yung nagre-regulate ng permit nila kaya kapag hindi sila sumunod ay ‘yan ang magiging sanctions laban sa kanila.”

“Hindi na kayo makakapagtinda ibla-blacklist dito sa lungsod Quezon,” saad ni Ret. Col. Alex Alberto, Head, Market Development and Administration Department, QC LGU.

Panawagan ng QC LGU sa retailers sa mga pribadong pamilihan — SUMUNOD na lang sa itinakdang presyuhan para makatulong sa mga konsyumer.

Bukod sa monitoring ng mga ahensiya ng gobyerno ay magsasagawa rin ang QC govt upang mabilis na matukoy ang mga lalabag dito.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble