Rider na nagpanggap na sundalo, dati nang may kaso—SPD

Rider na nagpanggap na sundalo, dati nang may kaso—SPD

NILINAW ng Southern Police District (SPD) na hindi dating sundalo o reservist ang motorcycle rider na kinilalang si Angelito Rencio sa isang viral road rage incident na nangyari sa Makati City.

Ayon kay SPD Director Police General Roderick Mariano, mayroon din itong arrest warrant para sa mga kasong qualified theft, usurpation of authority at iba pa.

Nauna na ring nagsabi ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang Angelito Rencio sa kanilang database.

Matatandaang makikita sa video na naka-helmet si Rencio habang nakahiga sa kalsada at nakaibabaw sa kaniya ang nakasibilyang pulis na si Police Staff Sergeant Marsan Dolipas.

Nang dalhin na sa presinto si Rencio ay nagpakilala ito na retired intelligence operative ng AFP.

Sa kuwento naman ni Dolipas, pinagsabihan lang aniya si Rencio na hinay-hinay sa pagmamaneho dahil muntikan na niya itong mabangga.

Imbis na maayos kausap ay nag-dirty finger pa si Rencio at ipinakita ang kaniyang baril.

Ayon kay Dolipas, apektado siya sa nag-viral na video dahil sinasabing abusado siya na pulis na kung tutuusin aniya ay wala siyang ginawang masama.

Sa ngayon ay iniimbestigahan na ang panig ng kuwento ni Dolipas at inalis na rin sa puwesto ang dalawang pulis-Makati nang payagang umalis si Rencio para kunin ang papeles ng kaniyang baril pero hindi na bumalik at ngayon ay pinaghahanap na ng awtoridad.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter