Riders ng ride hailing app, inirereklamo ang pag-aabono ng diskuwento sa PWDs, seniors at estudyante

Riders ng ride hailing app, inirereklamo ang pag-aabono ng diskuwento sa PWDs, seniors at estudyante

UMAALMA na ang ilang riders ng mga ride hailing app dahil sa ginagawa anila nilang pag-aabono sa mga diskuwentong binibigay sa mga pasahero gaya ng PWDs, senior citizens at estudyante.

Anila, malaking kabawasan ito sa kanilang arawang kita kung sila pa ang a-ako nito.

Nasa P1,500 ang kita kada araw ng Move It rider na si Philip Biyernes sa buong araw niyang paghahatid ng mga pasahero.

Sapat na aniya noon ang nasabing halaga dahil hindi naman gaanong mahal ang bilihin—pero ngayon ay hirap na aniya itong pagkasyahin.

Tuwing may pasahero siyang estudyante, may kapansanan o ‘di kaya senior citizens ay awtomatiko siyang nagbibigay ng 20 porsiyentong diskuwento.

Kaya naman nababawasan ng P100 hanggang P200 ang buong araw niyang kita—iba pa ang gastos niya sa pagkain.

“Lalo ngayon na sobrang taas ng gasolina po.”

“Ang meal namin sa pagkain umaabot sa P300, sa isang araw magkano natitira sayo na malinis? P500, sapat na ba ‘yung P500? Hindi, dahil sa taas din ng bayarin sa tubig at kuryente,” ayon kay Philip Biyernes, Rider.

Hindi lang pala ang rider na si Philip ang may problema tuwing nag-aabono ito kada nagbibigay ng diskuwento sa kaniyang mga pasahero.

Ang JoyRide at Grab rider na si Ronald Refa ganundin ang hinaing.

“Bilang isang rider hindi naman dapat kami ang mag-shoulder dahil nga naka-covered kami na mga TNC at TNVS,” wika ni Ronald Refa, Rider.

“Malaking tulong kasi dapat ‘yung mismong company may sagot sa discount para sa kanila dapat ibawas,” saad ni Johnden Dela Cruz, Rider.

Sa pagdinig nga sa Senado nitong Martes ng Enero 14, nasita ni Committee Chairman for Public Services Senator Raffy Tulfo ang ilang Transport Network Company (TNC) dahil sa pinapasan daw kasi ng mga driver ng 4-wheel vehicles ang pagbibigay diskuwento.

Sabi ng senador, hindi dapat sa kanila kinakarga ang discount na binibigay sa mga piling pasahero dahilan kung bakit namimili ng booking ang mga drayber.

Simula aniya kasi noong nakaraang taon ay sa kanila na pinapasa ng mga TNC ang mga discount—kaya bubuo na raw ng panibagong Memorandum Circular ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan ang buong discount ay sasagutin na ng may-ari ng apps o operator.

Ito rin ang nais iparating ng ilang riders ng mga ride hailing firm bukod sa mga 4-wheeled driver.

Tugon naman ng LTFRB diyan.

“Sa motorcycle kasi iba ‘yung guidelines doon, general rule ay ang dapat sumasagot ay operator. Sa MC taxi ay ongoing na ‘yung part siya dun sa guidelines ng TWG, ongoing na ‘yung crafting ng law,” pahayag ni Joel Bolano, Head, Technical Division, LTFRB.

Posible rin aniyang ilabas nang sabay ang panibagong polisiya partikular sa pagpapatupad ng diskuwento ng mga TNC at motorcycle taxis.

“Ang commitment ni Chairperson, ay maglalabas ng policy guidelines hopefully end of the month or early February,” ayon kay Joel Bolano, Head, Technical Division, LTFRB.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble