Road clearing operations 2.0, hanggang ngayong araw nalang —DILG

NAGPAALALA ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroon na lang hanggang sa Lunes, Pebrero 15 ang mga local government units (LGUs) upang makasunod sa Road Clearing Operations 2.0.

Ayon kay DILG Officer-in-Charge Undersecretary Bernardo Florece Jr., napagdesisyunan ng bumubuo ng Task Force Road Clearing na kinabibilangan ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Metro Manila Council (MMC) at Philippine National Police (PNP) ang agarang pag-aalis ng mga nakaharanng o sagabal na mga imprastruktura sa mga daan.

Itatakda bukas hanggang Marso 2 ang validation sa mga LGU na nakasunod sa mandato  na ito ng DILG.

Sa harap ng nakatakdang pagroll-out ng COVID-19 vaccination, inaasahang magiging malinis sa anumang sagabal ang mga kalsada na daraanan ng mga sasakyan patungo sa mga vaccination sites.

Tiniyak din ng DILG na magiging patas ang gagawing road-clearing validation upang maaksyunan agad ang anumang pagkukulang ng mga LGUs.

Inatasan ni Florece ang mga regional directors na ilipat sa ibang lugar ang mga validation team upang maiwasan ang posibleng pagpabor sa pinanggalingan nitong LGUs.

SMNI NEWS