SA temang “Drive to Protect: Safe Streets, Safe Children,” layunin ng aktibidad na magbigay ng kamalayan sa kaligtasan sa kalsada at itaguyod ang mas ligtas na mga gawain sa kalsada para sa mga motorista, pedestrian, at buong komunidad.
Dinaluhan ang naturang aktibidad nina LTO 7 Regional Director Glen Galario, Assistant Regional Director Arturo Apolinar, LTFRB Regional Director Eduardo Montealto Jr., Moto Vlogger na si Jet Lee, mga kinatawan ng LGU, Motorist Group, Truckers Group, Transport Copperative, at iba pa.
Pagkatapos ng isang maikling programa, nagsagawa ng motorcade ang mga opisyales at kawani ng nasabing ahensiya na nilahukan naman ng mga tanggapan ng transportasyon sa Mandaue City, Talisay City, at Cebu City; mga kinatawan mula sa iba’t ibang driving schools sa Cebu, mga transport cooperative, mga motorista, at iba pang mga opisyal ng transportasyon upang ipahayag ang kanilang pangako sa kaligtasan sa kalsada.
Ayon kay Land Transportation Office (LTO) 7 Regional Director Glen Galario, nais nitong iparating sa publiko na ang LTO ay masigasig na nagtatrabaho at seryoso sa tungkulin sa pagpapatupad ng mga batas, pag-isyu ng driver’s license, at iba pa.
Mahigpit din ang pagpapatupad ng mga batas para magkaroon ng deterrence ang publiko na lumabag sa mga batas ng LTO.
Patuloy ang LTO sa mga hakbang nito upang makamit ang layunin ng bansa na bawasan ang mga aksidente sa kalsada at magtayo ng mas ligtas na komunidad para sa lahat.