BINATIKOS ni Senator Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Lunes ang pagkabigo ng Local Water Utilities Administration (LWUA) na tugunan ang problema sa suplay ng tubig sa Marawi City, mahigit limang taon matapos ang 2017 Marawi Siege dahil hindi ito katanggap-tanggap.
Nangako rin si Padilla na bubusisiin niya ang budget ng ahensya para sa 2023, matapos siyang mainis sa mga paliwanag ni LWUA strategy management department manager Rodney Peralta kung bakit wala pa ring tubig sa Marawi City hanggang ngayon.
“Kasi magmula pang 2017, yan na ang problema. Ang foundation ko, ginawa namin masolusyonan ang tubig,” ani Padilla sa pagdinig ng Senate Special Committee on Marawi City Rehabilitation and Victims Compensation.
“Itong LWUA na ito, noong 2022 binigyan sila ng napakalaking budget pero ngayong 2023 binawasan sila ng 98 porsyento. Siguro isang papatunay yan na di nagtatrabaho ang mga ito… Hindi katanggap-tanggap sa akin yan. Limang taon na. Kung ito kahapon lang, pwede ko matanggap pero nakita ko ang paghihirap ng kapatid ko doon. Hindi ko gusto ang nangyari sa kanila doon,” dagdag niya.
Ani Padilla sa LWUA, magkakaroon ng budget hearing sa Senado sa Oktubre, at “asahan ninyo ang pagmumukha ko doon.”
Ipinunto ng mambabatas na napakaimportante ng tubig sa mga Muslim na tulad niya dahil bahagi ito ng kanilang pananampalataya.
Noong pumunta siya sa Marawi noong 2017, nakapagpatayo siya ng patubig pero pansamantala lang ito.
Hindi tinanggap ni Padilla ang paliwanag ni Peralta na nasa “design stage” pa ang patubig, at hindi pa rin daw ma-finalize ito dahil hindi pa nareresolba ang ilang isyu sa Philippine Army sa lugar.
Ayon pa kay Marawi Mayor Majul Gandamra, ang implementasyon ng water supply ay naka-atas sa LWUA.
Dagdag ng alkalde, handa silang tumulong at makipag-ugnayan sa Philippine Army at LWUA.
“Pasensya na kayo, ang sinasabi ninyong problema maso-solve ng isang upuan. Ang nangyari parang turuan. Itinuro nyo ang Army, ang dami ninyong tinuro. Ang tanong, gusto nyo bang bigyan ng tubig ang tao sa Marawi?” ani Padilla kay Peralta.
“Sana maayos itong tubig, tubig ang mahalaga,” idiniin ni Padilla.
Samantala, nais ni Padilla na malaman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao kung ano na ang nangyari sa proyektong pabahay sa Marawi, dahil nakapag-donate siya ng lupa sa BARMM para rito.
“Gusto natin malaman ano nangyari. Sabi nila tatayuan nila ng bahay. E pinagpala ng Panginoong Diyos, Senador na tayo. Baka kunin ko na lang uli ang lupa, ako na magtayo ng pabahay,” aniya.
Ihinain ni Padilla ang Senate Resolution 8 para manawagan sa mga awtoridad na bilisan ang pagbuo ng lupon na magbibigay ng kabayaran sa mga naapektuhan ng Marawi Siege noong 2017.