NAPAIYAK si Senador Robinhood “Robin” C. Padilla matapos sabihan ng doktor nitong nakaraang weekend na wala silang nakitang bara sa kanyang puso.
Ayon kay Padilla, hudyat ito mula sa Panginoon na tuloy ang kanyang misyon bilang mambabatas.
“Sa totoo, pagkasabi ng doctor na wala kang bara, naiyak ako. Para sa akin, nag-uumpisa pa lang tayo sa misyon natin. Siyempre pag nagkaroon ka ng bara ibig sabihin noon magre-resign tayo sa trabaho. E noong tayo ay kumandidato yan ang pinagdasal natin. Pag nanalo tayo ibig sabihin gusto ng Panginoong Diyos magsilbi tayo. Pero sa pagsisilbi na yan pag nagkasakit ka, ibig sabihin ayaw ng Diyos yan para sa iyo,” aniya.
Dahil dito, nagpasalamat siya sa mga nagdasal at nagpahiwatig ng suporta sa kanya nguni’t humingi siya ng tulong na pagdasal para bumalik sa normal ang kanyang blood pressure.
Ani Padilla, dati ay 110/80 lang ang kanyang blood pressure, pero ngayon ay 150/100 sa pinaka-relaxed niya.
Sumailalim sa angiogram si Padilla noong weekend, kung saan sinabihan siya ng mga doctor na meron siyang “very healthy heart,” pero kailangan lang “bantayan ang high blood.”
Ayon sa mambabatas, sinabihan siyang magpa-angiogram matapos umuwi mula sa Espanya noong Hunyo, matapos siyang ma-high blood doon na 250/100 ang blood pressure.
Sumailalim din siya noon sa ultrasound, endoscopy, colonoscopy at pati sa pulmonary at cardio stress test kung saan may nakitang posibleng ischemia ang mga doktor.
Kwento ni Padilla, na-shock ang kanyang asawang si Mariel at ibang miyembro ng kanyang pamilya, matapos masabihan na posibleng may bara ang puso niya.
Ilan sa mga doktor sa pamilya niya ang nagbigay ng iba’t ibang payo, mula pagsasailalim sa angiogram hanggang sa pag-food supplement na lang.
Minabuti ni Padilla na sumailalim sa angiogram, dahil wala naman siyang nakitang masama rito.
“Sabi nga ng doctor, parang si Mariel lang ang laman ng puso mo. Sabi niya very healthy heart. Kailangan lang natin bantayan ang high blood. Kaya noong hapong yan umuwi rin kami,” saad nito.