Robin Padilla at limang iba pa na tumatakbo para sa darating na eleksyon, tinanggal bilang Army reservist

TINANGGAL na bilang Philippine Army reservist-officer ang aktor na si Robin Padilla at limang iba pa na tumatakbo para sa darating na eleksyon sa 2022.

Ito ay upang matiyak na mananatiling non-partisan ang Philippine Army.

Ayon sa Philippine Army’s Reserve Command (Arescom), umalis ang senatorial aspirant na si Padilla sa kanyang tungkulin bilang pinuno ng communications panel ng Multi-Sectoral Advisory Board ng Philippine Army.

Kabilang din sa mga Army reservist na natanggal ay sina Brig. Gen. Herbert Bautista na tumatakbo ring pagkasenador, Col. Isdiro Ungab na tatakbo para sa reelection bilang kongresista ng Davao City 3rd District; Lt. Col. Eugene Balitang, na tatakbong kongresista ng nag-iisang distrito ng Ifugao; Lt. Col. Jayvee Tyron Uy na tatakbong vice gubernatorial ng Davao de Oro, at Lt. Col. Rhodora Cadiao na tatakbo namang gobernador ng Antique.

Una nang sinabi ni Armed Forces of the Philippines at concurrent Army commander Lt. Gen. Andres Centino ang pagiging non-partisan ng militar.

Inatasan ng heneral ang mga kawani nito na iwasan na lumahok sa partisan politics at panatilihin ang propeyonalismo sa trabaho at iwasan din ang mga gawaing pamumulitika lamang.

“We assure the public that as a professional organization, the military will be non-partisan. We will perform our mandate of ensuring fair elections,” ani Centino.

SMNI NEWS