HANDA si Senador Robinhood “Robin” C. Padilla na maging tulay sa pagitan ng pamahalaang Pilipinas at ng mga tagapagmana ng Sultanate of Sulu sa paghabol ng pagkapanalo nila sa Arbitral Case sa Sabah.
Iginiit ni Padilla na malaki ang posibleng pakinabang ng arbitral victory na ito sa ating ekonomiya dahil maaaring kumalap ito ng bilyun-bilyong piso sa income tax.
“Ako na siguro ang kakausap sa Sultanate of Sulu para makipag-usap sa inyo. Dahil sayang ito. Napakalaking bagay po ito, malaking maitutulong nito sa ating ekonomiya,” wika ni Padilla sa pagdinig ng Senate Finance Committee para sa budget ng Department of Justice para sa 2023.
Dagdag niya, malinaw naman na magkahiwalay ang usapang soberenya sa “partnership rights” na hinahabol ng Sultanate of Sulu.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, hanggang ngayon ay walang kahit sinong partido na lumalapit sa kanyang tanggapan para idulog ang anumang concern nila sa arbitral award na ito.
Sa kabila nito, tiniyak niya na ang kanyang tanggapan ay nakahandang makipag-usap para masusing makita kung yan ay isang private matter or may ugnayan sa soberenya ng Pilipinas.
Dagdag ni Guevarra, inaaral nila ang impormasyon na ang Sultanate of Sulu ay nag-transfer ng sovereignty sa Republika ng Pilipinas. Ani Padilla, may ganoong paglipat ng soberenya sa Republika noong panahon ni dating Pangulong Diosdado Macapagal.
Ayon din kay Guevarra, nagkusa ang OSG na pag-aralan nang masusi kung ang French Arbitral Award na under appeal ngayon ay may implication sa “longstanding claim” ng Pilipinas sa Sabah.
Nagbuo si Guevarra ng pangkat para pag-aralan muli ang historical basis ng claim ng Pilipinas sa Sabah, at isang grupo rin ang mag-aaral naman ng pinagmulan ng kasalukuyang estado ng arbitration na nag-i-involve sa Sultanate of Sulu.
“Ang aming intention ay i-connect eventually ang French Arbitral Award ay may implication if at all sa ating sovereign claim sa Sabah. Sa ngayon ay patuloy ang masusing pag-aral na ginagawa ng OSG,” aniya.