Robredo, lumikha ng duda sa Sinovac vaccine rollout —Duterte

SINABI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na lumikha si VP Leni Robredo ng duda kaugnay sa vaccination campaign ng pamahalaan sa Sinovac vaccine.

Binanggit ng Pangulo ang kaugnay sa panawagan noon ni Robredo na suriin ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang CoronaVac COVID-19 vaccine ng Sinovac.

Ayon kay Duterte, ‘disservice’ ang ginawa ni Robredo sa publiko kung saan pinalilitaw nito na hindi sinunod ng gobyerno ang regulatory process para sa mga bakuna.

Diin ng Pangulo, isang recommendatory lamang ang HTAC review at hindi na kailangan pa para sa vaccination roll out ng gobyerno.

“Ang ginawa niyang disservice to the people is noong hindi niya sinabi na recommendatory,” pahayag ng Pangulo.

Hindi aniya inisip ni Robredo ang unawain ang probisyon sa ilalim ng Universal Health Care Act na kilala rin bilang Republic Act No. 11223 na nagsasaad na ang HTAC ay isang recommendatory.

Nilinaw ng Pangulo na hindi kailangan na isailalim ang Sinovac sa HTAC review dahil ang mga ito ay donasyon at hindi binili ng gobyerno.

“We were fighting against the tide of non-believers na huwag kayong matakot, ganito. Now, here comes the statement na hindi niya — hindi niya binasa kumpleto ang batas, with just a simple statement magke-create ka ng doubt,” ayon pa sa Pangulo.

Ayon kay Pangulong Duterte, isa ang panawagan ni Robredo para sa HTAC review ang dahilan kung bakit marami pang mga indibidwal ang ayaw sa Sinovac vaccine.

“We were doing everything convincing, spending most of our time convincing the people that it is safe. Ang bakuna is safe. Now, if you create that uncertainty in the minds of the people mas maraming ayaw,” dagdag ng Pangulo.

Dagdag pa ng Pangulo na imbes tumulong sa gobyerno na magbigay ng tiwala sa tao kaugnay sa Sinovac vaccine ay ginulo pa raw ni Robredo ang lahat.

“I said, creating an uncertainty and doubt in the minds of the people. So, ‘yon ang nagalitan ko because we were running against time, kailangan mabakuna kaagad,” ayon pa sa Pangulo.

Hiling naman ni Duterte kay Robredo na manahimik na lamang ito kung hindi ito sigurado sa kanyang mga pahayag.

“I hope that next time kung wala naman siyang masabi na tama, she just would maybe shut up. Siguraduhin niya muna o hindi magbasa siya, siya mismo. Ikaw, ma’am, ang magbasa and take notes of the important or salient points of the law. Otherwise, a misplaced comma could change the meaning of everything,” aniya pa.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.