WALANG prenong pinangalanan ni Vice President Sara Duterte ang dalawang kongresista na umano’y nagkokontrol ng pondo ng gobyerno.
Ito ay sina House Speaker Martin Romualdez at House Appropriations Committee Chair Zaldy Co.
Sa isang interview na inilabas ng Office of the Vice President (OVP), ikinuwento mismo ng bise presidente ang umano’y iregularidad sa loob ng Kongreso sa usapin ng pagbibigay ng pondo para sa mga ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay VP Sara, noong kalihim pa siya ng Department of Education (DepEd) taong 2023 ay may mga lumapit sa kaniya na mga miyembro ng Kamara matapos aprubahan ang P5-B pondo para sa classroom construction.
“Nagulat ako may humingi. ‘Ano ba ang- magkano ba ang amin diyan? Magkano ba ang amin diyan?’”
“So, sinabi ko, ‘Hindi pwede ito kasi ang mangyayari nito hindi magagawa ng Department of Education ang trabaho namin na mag-construct ng classroom ayon sa classroom backlog at sa prioritization, base sa backlog at sa classroom construction.’”
“So, sinabihan ko ‘yung isang congressman, ‘Sabihan ninyo si Martin Romualdez na hindi pwedeng chop-chopin ang classroom construction na P5B,” kuwento ni Vice President Sara Duterte.
Dagdag pa ng bise presidente, nang tanggihan niya ang panghihingi ng ilang mambabatas sa nasabing pondo, ang ginawa ng House of Representatives ay dinagdagan ito ng P10-B pagdating sa final approved budget o ang General Appropriations Act, bagay na hindi na aniya kontrolado ng DepEd.
“Kaya kung makikita ninyo sa budget proposal na approved ng Office of the President, P5B ‘yun.”
“Pero noong lumabas ‘yung GAA o ‘yung budget approved noong 2023, naging P15-B siya dahil hindi nga ako pumayag na kunin ‘yung P5-B.”
“Dinagdagan nila ng P10B ‘yung classroom construction ng Department of Education. ‘Yung 10 billion na ‘yun hindi kontrolado ng Department of Education. Controlled ‘yun ni Cong. Zaldy Co at Cong. Martin Romualdez,” ayon pa sa bise presidente.
Ito rin aniya ang ginawa noong 2024 budget kung saan ang initial P19-B allocation para sa classroom construction ay itinaas sa P24-B.
Maging ang listahan ng classroom construction ay idinagdag nang walang kaalam-alam ang DepEd.
Samantala, wala pang pahayag si Romualdez patungkol sa isyu habang itinanggi naman ni Co ang isiniwalat ni VP Sara.