MAY paglilinaw ngayon ang isang tanyag na actor at singer kaugnay sa mga maling akala sa Reserve Officer Training Corps (ROTC).
Guest speaker ang aktor at singer na si Ronnie Liang sa National Youth Convention na ginaganap ngayon sa Baguio City.
Ang programa ay sa pangunguna ng National Youth Commission.
Mahigit sa 1,800 na Sangguniang Kabataan leaders sa buong Pilipinas ang kasama sa event.
At bilang isang Army Reservist, hangad niya na ipabatid ang kahalagahan ng Reserve Officer Training Corps (ROTC) sa mga kabataan.
‘Importante ho yon kasi kagaya nga ng sabi ni Doc Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan pero kung daragdagan ko. Ang kabataan na may takot sa Diyos, may disiplina, may pangarap, may hangaring makapaglingkod sa bayan ang pag-asa ng bayan,” saad ni Ronnie Liang, Celebrity AFP Reservist.
Si Liang ay reservist sa Philippine Army na may ranggong 1st Lieutenant.
Isa rin siyang licensed commercial pilot.
Saad niya, malaking tulong ang disiplina na dulot ng military training dahil nadadala niya ito sa personal na buhay.
“Mas lalong nag-apoy ‘yung pagmamahal ko sa bayan. I was able to exposed in different sectors, mas lalong nakita ko ‘yung kahalagahan ‘yung pagtulong. You know, coz the government can’t do it alone. They need our help. They need you, they need me, they need all of us,” aniya.
Mismong si Vice President Sara Duterte ang personal na nagsusulong na maibalik ang Mandatory ROTC.
Sa mga estudyante sa high school, Citizenship Advancement Training (CAT) ang katumbas nito.
Para kay Liang, malaking tulong sa mga kabataan ang mga nabanggit.
“Right now we have 1.2 million reservists. ‘Yung mga iba, like magandang example ang Ukraine ang Israel, they have their reservists, ang South Korea di ba? Sila they have… 2 years nagte-train kahit K-pop ka pa (mandatory pa). Tayo if ever, once a week lang,” dagdag ni Liang.
Oras na maibalik ang Mandatory ROTC sa mga eskuwelahan, inaasahan ng Armed Forces na dalawang milyong reservist ang maidaragdag kada taon.
At mas lalawak pa ang standby reserve forces ng bansa, anytime puwede ma-activate sa serbisyo kung kinakailangan.
Bukod kay Liang, kasama sa mga tanyag na celebrity reservists ay sina Rocco Nacino, Matteo Guidicelli at Dingdong Dantes.
Bago sumalang sa kompetisyon, ay sumabak rin si Ms. Universe Philippines Michelle Dee sa military reservist training.
Pangarap daw niya na maging parte ng Philippine Army.
“Ini-encourage ko po ang bawat isa to join us! To be a member of the reserve force. Tayo po ay magtulong-tulong, magsama-sama para sa bayan natin. Wala pong tutulong sa Pilipino kundi kapwa Pilipino. Marami pong salamat,” mensahe nito.